280 total views
May 9, 2020, 3:15PM
Umaasa si Caritas Manila Restorative Justice Ministry Program Coordinator Sr. Zeny Cabrera na naibibigay ng Bureau of Jail Management and Penology o B-J-M-P ang pangunahing pangangailangan ng mga bilanggo sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease 2019.
Ayon sa Madre, mahalaga na magkaroon ng sapat na supply ng pagkain, malinis na tubig, bitamina, alcohol at gamot ang mga bilanggo upang matiyak ang kanilang kapakanan at kalusugan mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Iginiit ni Sr. Cabrera na kailangang mapalakas ang katawan at resistensiya ng mga bilanggo na lantad na mahawaan ng mga sakit sa sobrang siksikan sa mga bilangguan.
“We hope na patuloy na mabibigyan sila ng material supply, goods na kailangan, mga vitamins ganyan, kailangan talaga sa mga prisons and jails dahil hindi sila makakakilos ng free, yung pagpapadala ng gamot, vitamins, water, alcohol yun mga kailangan yun…”pahayag ni Sr. Cabrera sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang ibinahagi ng Madre ang pangamba at takot ng mga bilanggo dahil sa kawalan ng naangkop na espasyo sa loob ng kulungan upang magkaroon ng social distancing o physical distancing na isa sa mga ipinapayo ng mga eksperto upang maiwasan ang COVID-19.
Hinimok din ng Madre ang panumuan ng B-J-M-P at Department of Justice na tutukan ang pagsasaayos ng kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) na magsisilbing daan upang mapaluwag ang mga bilangguan sa bansa.
Batay sa pinakahuling tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong ika-4 ng Mayo, umaabot na sa 233 ang bilang mga bilanggo at jail personnel na nagpositibo sa COVID-19 mula sa iba’t-ibang bilangguan sa bansa.
Sa datos ng DOH, mula sa 373-persons deprived of liberty na sinuri, 195 dito ang nagpositibo bukod pa sa 38-BJMP personel na nagpositibo rin sa nasabing sakit.