357 total views
Nananawagan ang Caritas Manila-Restorative Justice on Prison Ministry ng tulong sa mga mananampalataya para sa mga gamot sa tuberculosis (TB) at pigsa para sa mga preso sa iba’t ibang kulungan sa bansa lalu na sa Metro Manila.
Ayon kay Sr. Zeny Cabrera ng Caritas Manila RJ Ministry, nagkakahawaan na ang mga preso ng sakit tulad ng TB at ilang pang mga sakit sa balat dahil na rin sa init ng panahon at masikip na piitan.
“Ang apela natin para sa mga kulungan sa panahong ito marami ang nagkakasakit ng TB sakit sa baga. So, gamot ang ating kailangan natin. At dahil yung over congestion sa mga bilangguan hindi ito isang problema na agad-agad na maso-solve pero makakatulong tayo kung makakapagbigay tayo ng gamot lalu na ang sakit sa balat, kapag hindi nalinis ay nagkakahawa-hawa sila,” ayon kay Sr. Cabrera sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi pa ni Sr. Cabrera pansamantalang nahinto ang pagbibigay ng kumpisal sa Manila City Jail kaugnay na rin sa sakit sa baga na kumakalat sa loob ng bilangguan upang hindi makahawa sa mga pari na magbibigay ng sakramento.
“Alalay din natin sa mga pari na medyo paraanin muna. Yun ang sitwasyon,” paliwanag pa ng madre. Bukod sa mga pangangailangang gamot, umaapela rin ang madre sa mananampalataya na magbigay ng mga pagkain para sa mga bilanggo lalu’t patuloy ang pagdami ng bilang ng mga nasa piitan at kinakapos na ang rasyon ng pagkain.”pahayag ni Sister Cabrera
Ayon kay Sr. Cabrera, makipag-ugnayan lamang sa RJ Ministry sa anumang tulong na maaring iabot para sa mga preso dahil sa mahigpit na pinapairal na seguridad sa mga kulungan.
Sa Manila City Jail noong 2016 ay may 4,000 ang mga preso ang nakakulong na para lamang sana sa 800 katao.