18,298 total views
Nagsagawa ng Medical Mission ang Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry para sa mga kababaihang Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng Makati City Jail Female dorm.
Ang isinagawang Medical Mission ng Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry ay bahagi ng paggunita ng social arm ng Archdiocese of Manila sa 36th Prison Awareness Week na may tema ngayong taon na “The Correctional Community: Journeying Together in Mutual Support on a Mission of Love” na layuning paigtingin ang pagmimisyon para sa kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Ayon kay Caritas Manila RJ Prison Ministry Program Officer Bianca Marcelino, mahalaga ang patuloy na pagbibigay halaga at pansin sa kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na kadalasan ng naisasantabi sa lipunan dahil sa kanilang nagawang pagkakasala sa buhay.
“Huwag po kayong matakot na bumisita sa loob ng mga city jail o sa mga correctional dahil itong mga tao nandidito ay sinusubukan nila na mabago ang kanilang buhay kaya tayong mga nandito ang Caritas Manila at iba’t ibang mga organisasyon ay may programa para lumakas ang loob nila. Huwag po kayong matakot sila ay mababait naman, kayo po minsan ay sumama sa mga ganitong aktibidad ng mga iba’t ibang mga programa para kayo po mismo sa inyong mga mata ay makita po ninyo na safe naman po dito sa loob syempre sa tulong ng ating mga BJMP o mga jail officers dito magiging maayos naman po at makikita niyo din ito.” pahayag ni Marcelino sa Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman si Makati City Jail – Female Dorm Warden Jail Senior Inspector Girlie A. Haber sa Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry ng Medical Mission para sa mga babaeng PDLs sa piitan lalo’t ginugunita din ngayong linggo ang National Correctional Consciousness Week na may temang “Dekalidad na Programang pang-Piitan Tungo sa Hangad na Pagbabago at Kaunlaran”.
“Sobrang laki po ng tulong nitong ginagawa po ng Caritas Manila lalong lalo na po itong medical mission lalong lalo na po sa ating BJMP napakalimitado lang po ng ating mga doktor so hindi po lahat ay nabibigyan ng pagkakataon upang ma-check-up kaya sobrang laki po ng tulong na ito para po sa ating mga PDLs.” Pahayag ni JSINSP Haber sa Radio Veritas.
Umabot sa 120 mga babaeng PDLs ang natulungan ng Medical Mission sa Makati City Jail Female dorm, kung saan nagkaroon ng Medical Consultation, Eye Check-up at Dental Check-up gayundin ang pamamahagi ng mga bitamina, gamot at Rosaryo para sa mga Katolikong PDLs.
Katuwang ng Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry sa isinagawang Medical Mission ang Caritas Damayan, Bureau of Jail Management and Penology at ang The Generics Pharmacy.