2,855 total views
Nagpapasalamat ang kaparian ng Diyosesis ng San Pablo sa naging paglulunsad ng ‘Caritas Manila sa Landayan’.
Ayon kay Father Ritchie Fortus – Parochial Vicar ng Shrine of Jesus in the Holy Sepulchre Parish, malaking tulong para sa mga maralitang kabataan na magiging bahagi ng Youth Servant Leadership and Education Program ng Caritas Manila.
“Yung mga bata, yung mga kabataan na walang kakayanan na makapagtustos sa sarili pero deserve naman nila na matulungan kaya’t very timely na naglaunch tayo ng Caritas Manila dito sapagkat naniniwala ako na mas marami tayong maabot at matutulungan na mga kabataan, mga nangangailangan dito po sa aming lugar at hopefully hindi lamang sa lugar na ito kungdi sa buong Diyosesis ng San Pablo,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Fortus.
Tiniyak naman ni Father Noel Conopio – San Pablo Social Action Center Director, bukod sa pagpapasalamat at pagkilala sa inisyatibo ng Caritas Manila ay paiigtingin rin nila ang pagtulong sa mga benepisaryo.
Ito ay upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga pinakamahihirap sa kanilang Diyosesis at makapag-aral ang mga kabataan na hindi sapat kakakayahan upang makatapos sa kolehiyo.
“Sapagkat ang Diyosesis ng San Pablo ay kabahagi sa magandang programang ito sa pagbibigay lakas, pagasa at magandang kinabukasan para sa aming mga kapos-palad na mga kabataang nais makapag-aral upang maabot ang magandang pangarap, dahil po dito, maraming maraming salamat po sa inyo, mga kapanalig at sama-sama po tayo sa pananalangin sa isang buhay na ganap at kasaya-saya para sa ating simbahan ng mga dukha,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Father Conopio.
Ayon naman kay Father Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila, umpisa pa lamang ang paglulunsad ng Caritas Manila sa Landayan sa mga proyektong tutulungan ang mga maralita sa Landayan Laguna.
Tiniyak rin ng Pari sa kaniyang pangunguna sa misang inialay para sa kapistahan ni San Miguel Arkanghel sa Shrine of Jesus in the Holy Sepulchre Parish ang pagtugon sa suliranin ng malnutrisyon sa Diyosesis ng San Pablo at pagpapalawig ng Caritas Manila YSLEP Program sa Landayan Laguna.
“Nagpapasalamat sa Panginoon lalong-lalo na sa mga deboto ng ating Arkanghel Miguel dito sa kapistahan sa araw na ito sa Baranggay Landayan Laguna at naglunsad din tayo ng ating YSLEP dito at nagpapasalamat tayo sa Rektor kay Father Egay, kay Maam Jojie na ating kapartner dito at nawa ay dumami ang ating YSLEP Scholars dito para matulungan ang mga mahihirap na kabataan dito sa Laguna,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Sa tala, umaabot sa higit limang libong mag-aaral ang YSLEP Scholars na pinapaaral ng Caritas Manila kada taon, nagmumula ang mga mag-aaral partikular na sa Metro Manila ngunit sa mga nagdaang taon ay napalawig na ito sa iba pang Diyosesis sa Luzon, Visayas at Mindanao kung saan napapaaral narin maging mga mga kabataang estudyante na mga muslim at nagmula sa iba pang relihiyon.