261 total views
Bukod sa pagbibigay ng ayuda sa mga higit na apektado ng umiiral na Luzonwide lockdown, mabilis din ang ginawang pagtugon ng Caritas Manila sa mga residenteng nasunugan sa Maynila.
Ang pamamahagi ng tulong ay personal na pinangasiwaan ni Fr. Anton CT. Pascual sa Tondo, Manila sa may higit sa isang libong pamilyang naapektuhan ng dalawang magkasunod na sunog.
Ang mga biktima ay panmantalang nanunuluyan sa gym at basketball court sa Manila.
“Kaya nga wala silang kita ngayong pandemya, nasunugan pa sila. Kaya’t kailangan nilang saklolohan hangga’t sa makakaya,” ayon kay Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Caritas Manila sila sa pamahalaang lokal ng Maynila kaugnay na rin sa programa para sa mga nasunugang residente.
Tiniyak din ng Caritas Manila kay Manila Mayor Francisco Domagoso ang pakikiisa at pagtulong ng simbahan sa mga nasunugan.
“Ang simbahan ay handang umalalay kasama ang pamahalaan para ma-rehab ang mga biktima ng sunog,” ayon pa kay Fr. Pascual.