27,303 total views
Nagpapasalamat ang opisyal ng Caritas Manila sa lahat ng nakikiisa sa adbokasiya ng simbahan na maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap.
Ito ang mensahe ni Fr. Anton CT Pascual-executive director ng Caritas Manila at pangulong Radyo Veritas sa pagbubukas ng taong 2024.
Ipinapaabot din ng pari ang pasasalamat sa lahat ng mga nakipagtulungan sa misyon ng Caritas Manila kabilang na ang mga donor, benefactor at partnered-agencies o Non-government Organization (NGO’s).
“Lubos ang aming pasasalamat sa inyong pagtitiwala naway magtiwala pa tayo sa pagpasok ng 2024 sa ating mga donations, pledges, at tithing upang marami pang mahihirap ang makadama ng pag-ibig at katarungan ng Diyos na buhay. So, para sa ating mga donors at benefactors, mga Kapanalig, pagpalain kayo ng Diyos! Siksik, liglig at umaapaw sa inyong kagandahang loob,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Pascual.
Paalala pa ng Pari ang patuloy na pakikiisa ng mga mamamayan higit na ng mga mananampalataya sa mga programa ng Caritas Manila na higit na papalawigin at isusulong ang pagpapakain sa mga nagugutom, pagpapaaral sa mga kabataan at pagbibigay ng kabuhayan sa mga pinakanangangailangan sa buong Pilipinas.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng anumang makakakayanang halaga sa Caritas Manila o pakikiisa sa mga Segunda Mana Stores upang makalikom ng sapat na pondong inilalalaan para sa mga programa ng Caritas Manila.
“Sa mga Kapanalig, tayo po ay nagpapasalamat sa Diyos at sa ating mga Kapanalig sa pagtatapos ng 2023 marami po tayong natulungan mga mahihirap sa buong bansa lalung-lalu na sa kalakhang Maynila sa mga programa at proyekto ng Caritas Manila,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Sa tala ng Caritas Manila, noong 2020 hanggang 2021 sa kasagsagan ng COVID-19 Pandemic ay higit sa P2-bilyong ang nalikom at nailaan sa mga naapektuhan ng pandemya.
Taong 2022, higit sa P111-milyon piso naman ang nailaang pondo para sa scholars sa ilalim Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP at higit sa 30-libong pamilyang nasalanta ng ibat-ibang uri ng kalamidad ang natulungan sa nalikom na donasyon ng Caritas Manila.