347 total views
April 27, 2020, 1:19PM
Tiniyak ng Caritas Manila ang social arm ng Archdiocese of Manila ang patuloy na pagtulong sa mga nangangailangang pamilya na apektado ng muling pagpapalawig ng Enhanced Community Quarantine bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual, dahil sa muling pagpapalawig ng dalawang linggo sa ECQ hanggang sa ika-15 ng Mayo ay patuloy na kakailanganin ng mamamayan ang ayuda.
Ibinahagi rin ng Pari ang pananalangin ng Simbahan upang hindi magsawa ang mga may mabubuting kalooban na magpaabot ng tulong in-cash or in-kind para sa pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan.
“Siyempre kailangan nating tumulong uli kasi dalawang linggo pang walang trabaho ang mga tao at tiyak magugutom na naman ang mga pamilya kaya’t mahalaga na tayo sa Simbahan ay magdasal na marami pang magmagandang loob na magdonate in-cash and in-kind para mabigyan pa natin sila ng mga pagkain lalo na dito sa Baseco na kung saan napakaraming mahirap…”pahayag ni Pascual sa panayam sa Radyo Veritas.
Muli namang nagpaabot ng pasasalamat ang Pari sa lahat ng mga donors at iba pang katuwang ng Caritas Manila sa pagkakaloob ng tulong para sa mga nangangailangang pamilya na apektado ng krisis na dulot ng COVID-19.
Ipinagdarasal ni Fr. Pascual na mas marami pa ang matulungan ng Simbahan mula sa mga walang sawang magbahagi ng kanilang mga biyaya mula sa Panginoon.
“Tayo nga ay nagpapasalamat sa ating mga donors na sila ay nagmagandang loob na tumulong sa atin at ipagdadasal natin sila na huwag silang magkasakit at lalo pa silang makatulong sa mas marami pang mahihirap na apektadong apektado sa quarantine na ito…”dagdag pa ni Fr. Pascual.
Samantala, pinayuhan naman ng Pari ang mga hindi pa nakatatanggap ng ayuda mula sa Simbahan at pamahalaan na huwag mawalan ng pag-asa sa pagdating ng tulong sa lalong madaling panahon.
“Sa mga hindi pa natutulungan ng Simbahan at gobyerno huwag lang tayong mawalan ng pag-asa, magdasal tayo at darating ang tulong sa lalong madaling panahon…”pahayag ni Fr. Pascual.
Batay sa pinakahuling tala ng Caritas Manila, umaabot na sa 1,361,527 pamilya ang natulungan ng Oplan Damayan ng Caritas Manila na katumbas ng 6,807,635 indibidwal.
Mula ng magsimula ang implementasyon ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine noong ika-15 ng Abril, inilunsad ng Caritas Manila ang Oplan Damayan kung saan nakipagtulungan ang grupo ng mga negosyante na bahagi ng Philippine Disaster Resilience Foundation sa pamamagitan ng inilunsad na Project Ugnayan.
Sa inisyal na datos umaabot na sa 99.2-porsyento ng kabuuang naipamahaging gift check sa mga apektadong pamilya ng Enhanced Community Quarantine katuwang ang mga parokya na tumutukoy sa mga benepisyaryong pamilya na karapat-dapat na tumanggap ng tulong mula sa Project Ugnayan.
Naunang nagpahayag ng pasasalamat si Caritas Internationalis President, Prefect of the Congregation for the Evangelization of People His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat ng mga nakipag-ugnayan at nakipagtulungan sa Simbahang Katolika upang makapagpaabot ng tulong sa mga lubos na nangangailangan mula sa krisis na dulot ng COVID-19.