214 total views
Tiniyak ng Caritas Manila ang pagtulong sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha dulot ng walang humpay na pag-ulan na epekto ng Habagat.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radyo Veritas nakahanda ang Social Action Arm ng Archdiocese of Manila na tumulong sa mga kalapit diyosesis na nangangailangan ng ayuda.
Pagbabahagi ng Pari, nakahanda ang Caritas Manila na tumugon at magkaloob ng mga relief goods tulad na lamang ng pagkain, tubig, gamot , damit, mga thermos at iba pang mga emergency first aid kit at hygiene kit para sa mga apektadong residente na maaring dumulong sa pamamagitan ng himpilan ng Radyo Veritas.
“May mga nakahandang mga relief goods, pagkain, tubig, gamot, damit, mga thermos at iba pang mga emergency relief tulad ng hygiene at mga first aid po kaya sa mga kapanalig pong nakikinig kung meron po kayong alam na mga matitindi ang baha at meron tayong mga kababayan na nalubugan syempre unahin natin ang local government pero ipagbigay alam din sa Radyo Veritas sapagkat meron po tayo dito na Damayan Program sa Caritas sa Veritas…” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Anton CT Pascual.
Paliwanag pa ng Pari, bahagi ng pagiging Kristyano at Church of the Poor ng Simbahang Katolika ang pagtulong sa mga nangangailangan at pakikibahagi sa mga pinagdaraanan ng mga mamamayan partikular na sa gitna ng mga kalamidad at mga trahedya.
“Napakapalaga niyan sapagkat ang Simbahan po natin ay Church of the Poor, alam po natin yan at sabi ng sa Mateo 25 –ano man ang gawin mo sa pinaka-maliliit ay ginawa mo sa Diyos. Kaya’t bilang tunay na mga Kristyano at mga kapanalig, ang problema ng kapwa ay problema din natin, ang sakit ng kapwa ay sakit din natin at ang mabibigat na trahedya ng ating mga kapatid ay dapat trahedya din natin kaya meron nga po tayong Good Samaritan Program sa Radyo Veritas araw-araw upang tugunan ang ating mga kababayan…” Dagdag pa ni Pascual.
Samantala, nauna na ring nanawagan ng tulong ang Social Action Center ng Diocese of Antipolo para sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha dulot ng walang humpay na pag-ulan.
Ayon kay Rev. Fr. Bien Miguel – SAC Director ng diyosesis, kasalukuyan ng nangangailangan ng ayuda ang mga apektadong residente sa San Mateo at Montalban Rizal na kapwa nasasakupan ng Diocese of Antipolo gayundin ang mga residente ng Marikina kung saan halos 20,000 residente na ang mga pansamantalang tumutuloy sa mga evacuation centers.
Dahil dito, umapela ang Pari upang masuportahan ang pangangailangan ng mga evacuees’ partikular na ang mga banig o maging karton na panapin upang pansamantalang matulugan , kumot, malilinis na damit at mga pagkain.
“Kung meron po kayong mga nais tulong na mga bagay bagay tulad po ng banig, kahit po karton kasi po yung karton ay pangsapin po yan sa sahig dahil nga napakalamig ng sahig, kung meron din po kayong mga kumot ay ibigay na lamang po ninyo sa parokya yung malapit na parokya at ang parokya na po ang bahalang magdala, o meron naman po silang mga social services at meron naman po silang sasakyan at sila na po ang bahalang magdala, ito po ay panawagan po sa mga nakikinig po…” Apela ni Fr. Bien Miguel sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag ni Fr. Miguel, gumagawa na ng aksyon ang mga parokya sa diyosesis upang agad na makapagpaabot ng tulong sa mga residente ngunit hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang lahat ng mga nasalanta ng malawakang pagbaha.