159 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle – Pangulo ng Caritas Internationalis ang pagdiriwang ng Banal na Misa para sa ika-66 na taong Anibersaryo ng Caritas Manila noong ika-19 ng Oktubre.
Hinamon ng Cardinal ang mga Caritas Volunteers, workers at scholars na maging saksi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang pananalangin, pagkakaisa at pagtulong sa kapwa.
Binigyang diin ng Arsobispo na mahalaga ang ugnayan sa Diyos dahil dito mag-uugat ang pag-ibig na s’yang ibabahagi sa pagtulong sa kapwa.
Ipinaalala niyang dapat manatili ang kamay na nakataas, nananalangin, at kumakapit sa tunay na Diyos at hindi sa mga diyus-diyosang salapi, kapangyarihan at karangalan.
“Ang pinaka maayos at mabisang armas, kamay na nakataas, nananalangin, umaasa sa Diyos. Kapag walang ugnayan sa Diyos hindi natin alam saan natin huhugutin ang Caritas. Sana ang kamay ng mga Caritas volunteers, workers, kamay ng mga YSLEP scholars, sanay na sanay nakataas, kapit sa Panginoon, at kapag mayroong nangangalay ang kamay, tulungan na itaas.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Dagdag pa ni Cardinal Tagle, kinakailangang talikdan ng mga mananampalataya, lalo na mga Caritas workers ang kanilang mga sarili at unahin ang paglilingkod sa kapwa.
Aniya, sa paglilingkod at pakikisalamuha sa mga dukha ay marami ring matutunan ang mga volunteers at ito ay makukuha lamang kung aalisin ang “pride” o pagmamalaki at pagmamataas.
“Bitawan ang mga sariling ambisyon plano kaisipan makinig sa kapwa makinig sa diyos na nagsasalita sa kapwa… YSLEP scholars nag-aaral kayo, baka malampasan ninyo ang naabot ng mga magulang ninyo, wag sana uuwi yan sa yabang. Let go of pride, let go… Hindi ganun ang Caritas, listen to God, listen to the poor.”
Sa huli, ipinaalala pa ni Cardinal Tagle ang kahalagahan ng pagtutulong-tulong, at pagsasama-sama.
Aniya, ang misyon ng Caritas ay hindi maisasakatuparan kung magkakaroon ng paligsahan, pagalingan, at pagkakahati-hati sa pagitan ng mga tagapanglingkod ng Panginoon.
Binigyang diin nito na upang maitaguyod ang Caritas na s’yang tunay na pag-ibig ng Diyos ay kinakailangang magkaroon ng “communion” o pagkakaisa ang bawat naglilingkod.
“Ang misyon ng Caritas, ang misyon ng pagmamahal, ay ginaganap sa pagsasama-samang pagkilos, “communion”, hindi kanya-kanya. Ang misyon natin bilang Caritas ay hihina at mawawasak kung hindi lamang nagkakanya-kanya, [kun’di] nag-uunahan, naghihilahan, nagtatapakan… kung may gagawa ng mabuti let it be in the spirit of solidarity.” Pahayag ni Cardinal Tagle.
Ang Caritas Manila ay isa sa mga nangungunang Social Arm ng simbahang katolika, sa higit anim na dekadang paglilingkod nito, libu-libo na ang natulungan nitong mga mahihirap sa ilalim ng mga programang Caritas Margins, Damayan Disaster Program, at Youth Servant Leadership Program o YSLEP na may 5-libong mga scholars.