208 total views
Malaki ang maitutulong ng Caritas Margins upang mabigyan ng livelihood program ang mga drug dependents and surrenderers.
Ito ang naging pahayag ni Diocese of Paranaque Bishop Jesse Mercado sa pagpapasinaya ng Caritas Margins Buy and Give Expo 4 sa Alabang Town Center.
Ang Buy and Give Expo-4 ay mula ika–16 hanggang ika–18 ng Setyembre na kauna – unahang inilunsad sa Diocese of Paranaque.
Sinabi ni Bishop Mercado na malaking oportunidad ang maipagkakaloob ng Caritas Margins sa mga drug dependents upang makapanumbalik muli sa komunidad ng may marangal na trabaho.
Nakikita ni Bishop Mercado na sa ganitong pamamaraan ay maipapadama sa mga “drug users at peddlers” na sumuko ang pagkilala sa kanilang dignidad at mabigyan ng opurtunidad.
“Yan (Caritas Margins) ay magandang programa sa ating mga drug addicts o surrenderers, hindi po sagot diyan ang mga extra – judicial killings na sila ay patayin kundi may panahon pa rin na sila ay ating matulungan upang manumbalik muli sa ating lipunan at maging ‘useful citizens.’ Nawa sa ganitong paraan ay maipakita natin ang kahalagahan at pagrerespeto natin maski na tayo ay nagkamali ng daan mayroon pang pag – asa, mayroon pang pagkakataong muling tumayo,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mercado sa panayam ng Veritas Patrol.
Magugunita na nasa mahigit isang libong produktong gawa ng nasa mahigit isang libong urban poor na micro – entrepreneurs ang natutulungan ng Caritas Margins sa taunan nilang expo.
Target naman ng naturang aktibidad na makalikom ngayong taon ng P38 milyong piso para tugunan ang pangangailangan ng halos limang libong iskolar ng Caritas Manila sa programa nitong YSLEP o Youth Servant Leadership and Education Program.