2,857 total views
Naka-high alert ang Caritas Manila Network kaugnay sa pananalasa ng bagyong Ulysses na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at ilang pang mga lalawigan Luzon.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila nakikipag-ugnayan na sila sa mga kura paroko mula sa 10-diyosesis na nasasakop ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Sinabi ni Fr. Pascual, ilang mga Parokya na rin ang nagsilbing evacuation centers ng mga residenteng binaha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan. Tiniyak naman ng pari na naghahanda na ang Caritas Manila para sa pagsasagawa ng relief operation sa mga binaha.
“Tayo ay naka handang tumulong in terms of relief operations sa mga affected areas natin. Mga pagkain, gamot, damit, mga tulugan at mga tent para matuluyan ng mga mahihirap na kailangan ilikas sa mga flooded areas,” ayon kay Fr. Pascual.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang Caritas Manila ng relief operations sa mga biktima ng Super Typhoon Rolly na unang nanalasa sa bansa noong Todos Los Santos.
Bukod sa pamamahagi ng relief goods, kabilang din sa isinasaayos ng social arm ng simbahan ang rehabilitasyon sa ilang mga nasirang mga bahay dulot ng malakas na bagyo.
“Pinaplano ng Caritas Manila ang rehabilitation sa pamamagitan ng housing materials, meron din tayong budget na P5,000 per home. Sa Catanduanes palang sabi ng ng Gobyerno nasa 10,000 na tahanan ng mga mahihirap nating Fisher Folks ang tinamaan. Atleast makatulong tayo ng atleast 1,000 to 2,000 homes ang ating ma-assist,” ayon pa sa pari.
Una na ring nagbigay ng inisyal na isang milyong pisong tulong ang Caritas Manila sa limang diyosesis na labis na naapektuhan ng bagyong Rolly kabilang na sa diyosesis ng Gumaca, Daet, Legazpi, Caceres at Virac. Anim na milyong piso naman ang nalikom sa Caritas Manila sa isinagawang Oplan Damayan Telethon para sa mga biktima ng bagyo.