40,123 total views
Kumikilos na ang iba’t-ibang Caritas Organization at Social Action Center ng Simbahang Katolika sa Northern Luzon upang alamin ang naging pinsala ng naganap na magnitude 6.7 na lindol nitong martes ng gabi.
Ayon kay Rev. Fr. Ronnie Pillos, Social Action Director ng Diocese of Laoag sa Ilocos Norte, bagamat sila ay nagpapasalamat sa Diyos na naging ligtas sa kapahamakan dulot ng paglindol ay nagsasagawa na sila ng post disaster assessment sa mga lugar na pinaka-naranasan ang pagyanig.
“Sa ngayon po awa ng Diyos ay okay kami in general pero mayroon pa din mga naapektuhan na grabe at sila po ang may pangangailangan. Minor damages lang po sa mga Simbahan [bagamat] may isang Simbahan na hindi makakapag-celebrate ng misa kasi delikado [yung] pader nila.” mensahe ni Fr. Pillos sa Radyo Veritas.
Ang nasabing Simbahan ay ang St. John Bosco Parish na matatagpuan sa bayan ng Dingras, sa Ilocos Norte.
Sinabi ni Fr. Pillos na na maglalabas ng ulat ang Diyosesis oras na makumpleto ang kanilang assessment at magsasagawa ng agarang pagtulong para sa mga apektadong residente kung kinakailangan.
Samantala, kumilos na din ang Archdiocese of Nueva Segovia sa pamamagitan ng social arm nito na Caritas Nueva Segovia upang alamin ang naging epekto ng lindol sa lalawigan ng Ilocos Sur
ayon sa mensahe ni Rev. Fr. Danilo Martinez ang Direktor ng nasabing tanggapan.
“We are okay pero we are waiting for the reports coming from the different Parishes” mensahe ni Fr. Martinez sa Radyo Veritas.
Samantala, sa lalawigan ng Abra kung saan naitala ang epicenter ng lindol ay walang naitalang matinding pinsala sa kasalukuyan ayon sa Social Action Director ng Diocese of Bangued na si Rev. Fr. Jeffrey Bueno.
Magugunitang ang lalawigan ng Ilocos Sur at Abra ang mga pinaka-naapektuhan ng naganap na magnitude 7 Earthquake noong Hulyo ng kasalukuyang taon kung saan 11 ang naitalang nasawi at nasa mahigit 600 na nasugatan.
Naganap ang magnitude 6.7 Earthquake isang minuto bago mag-alas onse ng kagabi kung saan naitala ang epicenter sa bayan ng Tineg Abra at naramdaman ang Intensity 5 na pagyanig sa bayan ng Sinait, Ilocos Sur habang Intensity 4 naman sa Baguio City.
Naramdaman din ang lindol sa lalawigan ng Isabela, Nueva Viscaya, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Zambales, Rizal, at Quezon.