1,606 total views
Magtutungo ang social at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Albay upang bisitahin ang kalagayan ng mga apektadong residente dulot ng banta ng pagsabog ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ito’y upang matukoy ang pangangailangan ng mga nagsilikas na pamilyang tinutulungan ng Social Action Center ng Diocese of Legazpi.
“Sa ngayon, ang Caritas Philippines ay nakafocus muna mostly sa relief and rehabilitation para sa mga evacuees.” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak naman ni Caritas Philippines executive director Fr. Antonio Labiao, Jr. na nakahanda ang humanitarian team sakaling kailanganin na ng SAC Legazpi ang karagdagang tulong para sa mga apektadong pamilya.
Sinabi ni Fr. Labiao na batay sa kanilang naging pag-uusap ni SAC Legazpi executive director Fr. Eric Martillano, kaya pa ng diyosesis na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga nagsilikas.
“Sabi nga nila, kaya pa nila. So, kami naman ay dahan dahang tumutulong. Whatever they ask us, we are always prepared. So, we are also helping to capacitate our local Caritas in Legazpi to respond to the emergencies,” pahayag ni Fr. Labiao.
Ipinapanalangin naman ni Bishop Bagaforo ang patuloy na paggabay ng Panginoon para sa tiyak na kaligtasan ng mga biktima mula sa pinangangambahang pagsabog ng Bulkang Mayon.
Dalangin ng Obispo na sa kabila ng mga pagsubok, nawa’y madama ng mga apektadong residente ang presensya ng Panginoon upang maging matatag at hindi mawalan ng pag-asa.
“Panginoong Hesus na tagapagligtas at makapangyarihang tagapamagitan sa ating makapangyarihang Ama, ipinagdarasal po namin ang aming mga kababayang nasa evacuation centers. Nawa’y yakapin Mo sila ng pagmamahal. Bigyan Mo sila ng magandang kalusugan ngayong sila ay nasa evacuation centers, at higit sa lahat, buksan Mo ang kanilang mga puso na huwag silang mawalan nang pag-asa sa mga sakunang katulad nito na dumarating sa kanilang mga buhay. Sana ito’y isang pagkakataon na sila’y mapalapit pa sa Iyong pagmamahal, at sana ang mga pagkakataong ito, Panginoong Hesus ay maipamalas Mo ang tunay na pagmamahal Mo sa aming lahat. Ang lahat ng ito ay aming hinihingi sa inspirasyon ng Espiritu Santo, nabubuhay Kayo magpakailanman. Amen.” panalangin ni Bishop Bagaforo.
Sa huling ulat ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, nasa 19,971 indibidwal o 5,713 pamilya ang bilang ng mga inilikas mula sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone at nanunuluyan sa 25 evacuation centers sa Albay.