338 total views
Ang mga medical workers na nagsisilbing frontliners sa laban ng bansa mula sa banta ng panganib na dulot ng COVID-19 virus ang maituturing na mga bagong bayani.
Ito ang ibinahagi ni Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng Caritas Philippines kaugnay sa paggunita ng bansa sa Araw ng mga Bayani o National Heroes Day.
Ayon sa Obispo, kabilang sa kanyang partikular na panalangin ay ang lahat ng mga Pilipinong medical frontliners na pumanaw at inialay ang kanilang mga buhay sa laban kontra COVID-19.
Giit ni Bishop Bagaforo, nawa ay ganap na mabigyang pagkilala ng pamahalaan ang lahat ng mga sakripisyo at pagpupursige ng mga medical frontliners na gampanan ang kanilang tungkuling sinumpaan sa larangan ng medisina sa kabila ng panganib sa kanilang buhay at pagkalayo sa mga mahal sa buhay.
“My prayers today is for all our Pilipino doctors, nurses, and medical people who have died because of COVID-19. They are our national heroes today!! I urge our government to recognize them soonest.” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Tema ng National Heroes Day 2021 ngayong taon ang “Heroism of Each Filipino, Key to Victory and Humanity” na naglalayong kilalanin ang kabayanihan ng bawat isa para sa pagtatagumpay ng buong bayan mula sa iba’t ibang mga pagsubok sa kasalukuyan kabilang na ang COVID-19 pandemic.
Samantala, una ng nagpahayag ng suporta at tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pananalangin para sa kapakanan ng mga medical frontliners sa bansa na hindi matatawaran ang sakripisyo na makapagkaloob ng serbisyong medikal sa kabila ng mga nakabinbing pangakong benipisyo ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pangakong benepisyo ng pamahalaan para sa mga medical frontliners ay ang meal allowance, transportation allowance at accomodation allowance gayundin ang Special Risk Allowance at Active Hazard Duty Pay.