544 total views
Pinangunahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines NASSA/Caritas Philippines ang national launch ng Simbayanihan Movement na layuning isulong ang mabuting pamamahala ng mga opisyal sa pamahalaan.
Kasama ang mga kinatawan, direktor ng mga Social Action Centers (SAC) ng 85-diyosesis ay sama-samang nilagdaan sa Caritas Philippines Academy ang kasunduan ng Simbayanihan Movement.
Sa tulong ng mga S-A-C ay paiigtingin ng simbahang katolika ang pakikibahagi sa pulitika lalu na sa mga baranggay sa pamamagitan ng educational at information disseminations hinggil sa mabuting pamamahala.
Nilinaw naman ni Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na hindi pangingi-alam ng simbahan sa pulitika ang paglulunsad sa Simbayanihan.
Iginiit ng Obispo na hangarin nito na ituro ang moralidad at mabuting pamamahala sa mamamayan higit na sa mga namamahalang pulitiko.
“Mahirap pero dapat nating gawin, sapagkat yung pagpapatakbo ng isang mahusay na lipunan ay moral duty rin ng ating simbahan, sapagkat yung moral obligation natin, dapat nating ituwid yung mali at dapat din nating ituro kung ano yung dapat,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Bagaforo.
Ayon naman kay Father Tony Labiao – Caritas Philippines Executive Secretary, inaasahan na maabot ng adbokasiya ang buong bansa sa loob ng isang taon sa paglulunsad nito sa diocesan at baranggay levels.
“Mahalaga yung organizing at education so nakikita ko after today i-organize na yung mga regional assemblies, yung mga regional launching, disseminate the information and then 2nd move natin is really to organize the teams, para tuloy-tuloy na ang gawain,” ayon sa pahayag ni Father Labiao.
Inaasahan rin ng mga kinatawan ng Caritas Philippines na magbubunga ng pagbuti sa kalagayan ng mahihirap na mamamayan ang layunin ng Simbayanihan movement.
Naniniwala ang social arm ng C-B-C-P na kapag nawala ang katiwalian sa pamahalaan ay mailalaan ang mga pondong dapat ilaan sa mga programa o inisyatibo na nakatuon sa pag-unlad ng mamamayan.
Ayon sa 2021 Corruption Perception Index ng Transparency international, nakamit ng Pilipinas ang ika 117 puwesto sa Global Corruption index mula sa 180 bansa.