145 total views
Tiniyak ni Caritas Philippines Chairman, Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na patuloy na ipadarama ng Simbahan ang awa ng Diyos lalo na sa panahon ng kalamidad at paghihirap.
Ang pahayag ay kasabay ng isinasagawang 4th World Apostolic Congress of Mercy o WACOM 4.
Sinabi ni Archbishop Tirona, kanilang ipinamamalas ang Awa ng Diyos hindi lamang sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nakakaranas ng kalamidad kundi maging sa pagpapalawig ng mga programa na naglalayon palakasin ang kakayanan at kaalaman ng mga mahihirap.
“Ginagawa natin to bilang tugon sa panawagan ng Santo Papa na practice ng corporal o spiritual works of mercy kami sa NASSA talagang yun naman ang aming layunin na ipahayag ang kongkretong awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong hindi lamang sa panahon ng sakuna kundi maging sa pagbibigay natin ng empowerment o kakayahan ng mga dukha na tumayo sa sarili nila sa pamamagitan ng iba’t ibang programa,” pahayag ni Archbishop Tirona.
Naniniwala din ang arsobispo na ang Awa ng Diyos ay pinararamdam ng Simbahan sa pamamagitan ng paglapit kay Kristo, pakikiisa sa buhay ng mga dukha at pagpapalaganap ng kabutihan.
“Ginagawa natin to, una sa pamamagitan ng paglapit kay Kristo o Intimacy, Ikalawa sa pagbababad ng Simbahan sa buhay ng mga mahihirap o Immersion at Ikatlo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kabutihan at mabuting gawa,” dadag pa ng Arsobispo ng Caceres, Camarines Sur.
Sa pag-aaral ng the Human Cost of weather related Disasters, lumalabas na ang Pilipinas ang ika-apat na bansa na pinakamadalas makaranas ng mga kalamidad sa nakalipas na dalawang dekada dahilan upang patuloy na maghirap ang maraming mga Pilipino na naaapektuhan nito.
Ang WACOM4 ay isinasagawa sa Pilipinas simula Enero 16-20, kung saan may limang libo delegado ang dumalo kabilang na dito ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang mga bansa