16,443 total views
Nababahala ang social at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa joint investment ng tatlong malalaking kumpanya sa bansa para sa liquified natural gas project sa Batangas.
Ayon kay Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, ang pamumuhunan ng Meralco PowerGen Corporation at Aboitiz Power ng Sabin Aboitiz sa proyekto ng San Miguel Global Power Holdings Corporation ay makadagdag lamang sa matagal nang suliranin na hindi pa rin natutugunan.
Itinuturing ni Bishop Alminaza na kaduda-duda ang mga pahayag na ang paggamit sa fossil gas bilang mapagkukunan ng enerhiya ay abot-kaya para sa mamamayan gayong napatunayan na sa iba’t ibang pag-aaral na lalo lamang itong makadaragdag sa mga gastusin at panganib sa seguridad ng kuryente.
“The increased reliance on a likely heavily imported fossil fuel whose price wildly fluctuates in the global market worsens the instability and vulnerability of the Philippine energy sector. This translates to more expensive electricity bills for Filipinos and energy insecurity,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Inihayag ng obispo na ang binabalak na proyekto at ang kasalukuyang coal-fired power plants sa Batangas ay higit na magdudulot ng panganib sa Verde Island Passage na itinuturing na center of the center of marine shore fish biodiversity sa buong mundo.
Binigyan diin ni Bishop Alminaza ang proyekto ay labis na makakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda lalo na sa mga lalawigan ng Palawan, Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, at Romblon.
“If gas is intended to be a ‘transition fuel’, the proposed frameworks governing the sector do not reflect this motive… Without such strict rules in place, projects like the SMC-led gas plants in Batangas would become even more common in the country and steer us further away from what our ‘endgame’ should be: RE development aligned with a truly sustainable Philippines,” saad ni Bishop Alminaza.
Nagkakahalaga ng USD3.3-bilyon ang proyekto na magsisilbing pondo para sa 1,278-megawatt Ilijan power plant at 1,320-megawatt combined cycle power facility.
Apela ni Bishop Alminaza na gamitin na lamang ang pondo sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng renewable energy sector sa Pilipinas, na makatutulong din sa pagtugon sa climate change, at kapakanan ng kaligtasan at kalusugan ng mamamayan at kalikasan.