3,103 total views
Nagpahayag ng pagbati ang social at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagkakatalaga kay Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo bilang unang obispo ng bagong tatag na Diyosesis ng Prosperidad sa Agusan del Sur.
Nagagalak ang Caritas Philippines sa panibagong misyon ni Bishop Labajo ay magbubunsod upang higit na maipalaganap ang pananampalatayang Kristiyano sa bagong diyosesis.
Tiwala ang institusyon na sa ilalim ng pamumuno ni Bishop Labajo, ang Diyosesis ng Prosperidad ay magdudulot ng positibong pagbabago at pag-unlad sa pamayanan, lalo na sa buong lalawigan ng Agusan del Sur.
Dalangin ng Caritas Philippines na ang pamamatnubay ni Bishop Labajo ay hindi lamang magpatatag sa simbahan kundi maging simbolo ng pag-asa para sa mga nangangailangan at mga nasa ilalim ng kanyang pangangalaga.
“We are confident that under Bishop Labajo’s leadership, the Diocese of Prosperidad will continue to grow and flourish, bringing hope and compassion to the people of Agusan del Sur,” saad ng institusyon.
October 15, 2024 nang itatag ng Kanyang Kabanalan Francisco ang Diyosesis ng Prosperidad at itinalaga si Bishop Labajo bilang unang obispo.
Inaprubahan ni Pope Francis ang kahilingan ni Butuan Bishop Cosme Damian Almedilla na hatiin ang Diyosesis ng Butuan upang higit na mapangalagaan ang pastoral at espiritwal na pangangailangan ng nasa halos kalahating milyong katoliko ng Agusan del Sur, kung saan 1/3 ng populasyon ay mga katutubo kaya’t itinuturing ang lugar bilang mission frontier.
Ang Diyosesis ng Prosperidad ang ika-87 diyosesis ng Pilipinas, at magiging suffragan diocese ng Archdiocese of Cagayan de Oro.
Si Bishop Labajo ay itinalaga ni Pope Francis bilang auxiliary bishop ng Cebu noong June 2022, at ginawaran ng episcopal ordination noong August 19, 2022, na may episcopal motto na ‘Humiliter Ambulare Coram Deo’ o ‘To walk humbly before the Lord’.