2,460 total views
Tiniyak ng Caritas Philippines ang pagiging handa sa pagtugon sa anumang uri ng sakuna.
Ito ang inihayag ni Jing Rey Henderson – ang Communication and Partnership Development Unit Coordinator ng Caritas Philippines sa inaasahang pagpasok sa Philippine Area of Responsibility ng bagyong Betty na may international name super typhoon Mawar.
“Ongoing yung ating monitoring pagkatapos po down the ground hanggang doon sa mga communities natin at saka hinihintay din natin yung mga Dioceses would be needing further assistance, kung kailangan ba nila ng pondo lamang, kung kailangan ba nila ng technical assistance, kinakailangan ba natin magkaroon ng rapid assesment, anong types of responses ang posible nating kailanganan, so ang lahat ng ito ay naka-prepare na at our level both sa national hanggang sa regional clusters ng ating mga social action centers.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Henderson.
Nakahanda narin ang pondo na nalikom sa tulong ng Alay-Kapwa Solidarity na nakatakdang ibahagi sa mga Diocesan Social Action Center sakaling lubhang maranasan sa Pilipinas ang pananalasa ng bagyo.
Gagamitin ito bilang disaster response o humanitarian aid funds upang makapamahagi ng mga pagkain, hygiene kits at financial assistance sa mga mamamayang maapektuhan ng kalamidad.
Tiniyak rin ni Henderson ang patuloy na pakikipag-ugnayan ngayon ng Caritas Philippines sa mga DSACs upang agad na magsagawa ng Rapid Assessments at malaman ang kanilang mga kakailanganin na tulong.
Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines, naipadala na sa Batanes ang mahigit 7,400 na kilo ng Family Food Packs na ‘standby supplies’ para sa mga mamamayan na inaasahang masasalanta ng kalamidad.
Nakaantabay narin ang 15-libong tauhan ng AFP na pawang mga Medical, Army, Navy, Air force personnels at Reservists na pangunahing tutugon sa pangangailangan ng mga masasalanta ng bagyo.
Sa pinakabagong ulat ng PAG-ASA Weather Forecasting Center kaninang alas-diyes ng umaga, huling namataan ang Supertyphoon Betty sa layong 1,705-klm ng Silangan ng Timog-silangang bahagi ng Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas na aabot sa 215-klm kada oras at bugso na aabot naman sa 260-klm kada oras.