11,619 total views
Nagpaabot ng pagbati ang social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa tagumpay ng atletang si Carlos Yulo matapos na makamit ang dalawang gold medal sa 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang tiyaga, dedikasyon, at matatag na pananampalataya ni Yulo ang nagsilbing inspirasyon sa milyun-milyong Pilipino na mangarap at magsikap para makamit ang tagumpay.
“Your journey, marked by challenges and triumphs, is a testament to the unyielding spirit of the Filipino people. Your victory is not just yours alone but a shared triumph for the entire nation,” pagbati ni Bishop Bagaforo.
Dalangin ni Bishop Bagaforo na magpatuloy pa ang tinatamasang tagumpay ng atleta at magsilbing huwaran at magbigay ng pag-asa sa buhay ng maraming Pilipino, lalo na ang mga nasa maralitang sektor ng lipunan.
“We pray for your continued success and well-being as you bring honor to our country,” dalangin ng obispo.
Si Yulo ang kauna-unahang Pilipinong nagwagi ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics matapos magtagumpay sa men’s artistic gymnastics vault final sa Bercy Arena noong Linggo, August 4.
Una nang sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na si Yulo ang most bemedaled athlete sa kasaysayan ng Pilipinas na may 23 gintong medalya at kabuuang 38 medalya.
Samantala, tiyak namang makakakuha ng bronze medal sina boxing athlete Nesthy Petecio at Aira Villegas, habang nakamit naman ni men’s pole vault athlete EJ Obiena ang ikaapat na pwesto.
Ito ang ika-100 taong pakikilahok ng Pilipinas sa Olympics mula noong 1924 Summer Olympics na isinagawa rin sa Paris, France.