1,851 total views
Nagpaabot ng pasasalamat si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – national president ng Caritas Philippines sa mga katuwang ng Simbahan na naging daluyan ng biyaya ng Panginoon lalo’t higit sa mga nangangailangan.
Ito ang mensahe ng Obispo sa thanksgiving at turn-over ng We Care Project ng Caritas Philippines sa tatlong Diyosesis ng Butuan, Malaybalay at Kidapawan.
Ayon kay Bishop Bagaforo, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa mas epektibong pagtugon sa kalagayan ng mga nangangailangan.
Partikular na pinasalamatan ng Obispo ang aktibong pakikibahagi ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa misyon ng Simbahan na pagpapaunlad sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.
“Sa lahat ng mga participants na ngayon ay kasama natin sa pagbibigay nitong Thanksgiving at saka Turn-Over, maraming salamat po sa inyong tulong tulong at pakikiisa na maging matagumpay itong ating programa. Ibig ko na ding magpasalamat sa ating mga local government unit na ating mga partners, sana kung ano ang ating nasimulan ay ipagpatuloy natin at sana sama-sama tayo, maiuunlad natin ang ating kabuhayan at matugunan natin ang ating mga problema sa kabuhayan.” mensahe ni Bishop Bagaforo.
Umaasa naman ang Obispo na higit pang mapalago at mapalawak ng mga diyosesis ang misyon ng We Care Program na magkaroon ng ‘sense of responsibility’ ang bawat isa sa pagtugon sa mga problema ng baansa lalu na ang kahirapan at kagutuman.
“We would like to congratulate lahat ng ating mga participants na kung saan ay naging matagumpay ang ating Programa na We Care Program. Marami tayong mga dapat na alalahanin na ang mga bagay na ganito ay walang iba kundi ang layunin ay matulungan ang ating kapwa at higit sa lahat ay magkaroon sila ng sense of responsibility sa pagtugon sa mga problema ng ating lipunan, maliban diyan yung We Care Program ang layunin din is to empower each one of us para magkaroon tayo ng potential na makatulong upang masagot natin ang problema natin on poverty and on hunger.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Tema ng Thanksgiving and Turn-over ng We Care Project ng Caritas Philippines sa tatlong diyosesis ang “Empowering People & Sectoral Organizations Through Partnership, Agro-Enterprise & Governance Collaboration” na naglalayong maisulong ang pagkakaroon ng magandang ugnayan ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa kabutihan at kapakanan ng mga mamamayan.