59 total views
Nananawagan ng tulong at suporta ang social at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa mga diyosesis na labis na naapektuhan ng Super Typhoon Pepito.
Ayon kay Caritas Philippines executive director, Fr. Tito Caluag, mahalaga ang sama-samang pagtutulungan upang maibsan ang mga pasanin ng milyon-milyong pamilyang nasalanta, hindi lamang ng Super Typhoon Pepito, kundi maging ng iba pang kalamidad sa nakalipas na mga linggo.
Hinikayat ni Fr. Caluag na suportahan ang Alay Kapwa Program ng institusyon kung saan ang lahat ng donasyong malilikom ay direktang maipapadala sa mga apektadong diyosesis.
“Mga kababayan, dahil sa patuloy na kalamidad, marami na naman ang nangangailangan ng ating tulong. Sa pamamagitan ng Caritas Philippines, ang Alay Kapwa Program, nakatuwang natin ang ating mga partners nationwide, at ang mga diocese po ay napapaabot natin ang ating pagtulong at pagkalinga sa mga naapektuhan ng kalamidad,” ayon kay Fr. Caluag.
Batay sa situational report ng Caritas Philippines, mahigit isang milyong indibidwal o mahigit 200-libong pamilya ang naapektuhan ng super typhoon sa Bicol Region, ayon sa tala ng Department of Social Welfare and Development.
Kabilang sa labis na apektado ang lalawigan ng Catanduanes, na unang tinamaan ng Bagyong Pepito, kung saan higit 36-libong indibidwal o 10-libong pamilya ang inilikas sa mga ligtas na lugar.
Bago pa man maramdaman ang epekto ng super typhoon ay binuksan ng mga diyosesis, lalo na sa Bicol Region, ang mga simbahan at iba pang pasilidad bilang pansamantalang matutuluyan ng mga pamilyang lumikas.
Bukod dito, tiniyak ng mga simbahan ang paghahatid ng pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at maiinom na tubig sa mga apektadong residente.
Sa mga nais magbahagi ng tulong, maaaring bisitahin ang facebook page ng Caritas Philippines para sa kumpletong detalye kung paano makapagpadala ng donasyon.
“Hinihiling po namin ang inyong patuloy na pagtulong at lalo na po ang pagpaparamdam ng ating pagkalinga sa ating mga kababayan… Ano man ang kaya, biyaya po para sa iba,” saad ni Fr. Caluag.
Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy ang paghina ng Bagyong Pepito habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility.