11,695 total views
Muling pinagtibay ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang paninindigan para sa pangangalaga sa mga likas na yaman at karapatan ng mga katutubong pamayanan.
Ito ang binigyang-diin ng Caritas Philippines sa paggunita ngayong araw sa Save Sierra Madre Day.
Ayon sa institusyon, ang Sierra Madre, bukod sa pagiging tahanan ng iba’t ibang uri ng puno, hayop at mga ilog, ito ri’y tahanang ninuno ng iba’t ibang katutubong pamayanan at isang mahalagang likas na yaman ng bansa.
“As we observe the Season of Creation, the theme ‘to hope and act with creation’ resonates deeply with our ongoing efforts to preserve the Sierra Madre mountain range…We stand in solidarity with these communities, recognizing their invaluable role as the true stewards of this land,” pahayag ng Caritas Philippines.
Patuloy na tinututulan ng Caritas Philippines ang mga mapaminsalang proyekto sa Sierra Madre na banta sa likas na balanse ng bulubundukin at mga katutubo.
Kabilang dito ang kontrobersyal na Kaliwa Dam project, na bagama’t layuning maibsan ang krisis sa tubig sa Kalakhang Maynila, ay maglalagay naman sa panganib sa mga katutubong pamayanan at ang likas na yaman ng kabundukan.
Iginiit ng social arm ng simbahan na masasabing tunay ang hangaring pag-unlad kapag iginagalang ang karapatan ng kalikasan at ang dignidad ng tao, sa halip na isantabi ang mga ito at patuloy na sirain ang kapaligiran at palayasin ang mga katutubo.
Hamon naman ng Caritas Philippines sa pamahalaan at mga kinauukulan na humanap ng alternatibong solusyon sa mga pangangailangan ng bansa na hindi lubhang makakaapekto sa kapakanan at Karapatan ng mga likas na yaman at mga katutubo.
“By saving the Sierra Madre, we are not just preserving a mountain range; we are protecting a way of life, safeguarding our water resources, and securing a sustainable future for generations to come,” saad ng Caritas Philippines.
Tinagurian ang Sierra Madre bilang “the back bone of Luzon”, ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas na mayroong 500 kilometro ang haba at binabagtas ang mga lalawigan mula Cagayan hanggang Quezon.
Taong 2012 nang ideklara ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang September 26 ng bawat taon bilang Save Sierra Madre Day upang paigtingin ang pangangalaga sa bulubundukin at alalahanin ang mga naging biktima ng matinding pagbaha dulot ng pananalasa ng bagyong Ondoy noong 2009.