365 total views
Nananawagan ng tulong at panalangin ang Diyosesis ng Tandag kaugnay sa iniwang pinsala ng bagyong Auring na nagdulot ng malawakang pagbaha at malaking pinsala sa Surigao del Sur.
Sa kabila nito, ayon kay Tandag Bishop Raul Dael ay patuloy nang bumubuti ang panahon sa lalawigan at humuhupa na rin ang baha sa ilang lugar kaya pinabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga pamilyang lumikas sa mga evacuation centers.
”After the storm, the heavy rains, and the flood the 20, 940 families coming from the 202 barangays fairly distributed to the 394 evacuation centers for their safety are now back to their respective homes,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Dael sa panayam ng Radio Veritas.
Naitala sa 31, 124 pamilya o katumbas ng 79,963 katao ang naapektuhan ng bagyo, isa ang nawawala at 187 mga bahay ang tuluyang nasira.
Dagdag pa ng Obispo na aabot naman sa 66-milyong piso ang halaga ng mga nasirang pananim dahil sa matinding pagbahang idinulot ng bagyo.
Magpapahatid naman ng tulong at suporta ang social arm ng Catholic Bishops Conference of The Philippines (CBCP) para sa mga nasalanta ng nagdaang sakuna.
Ayon kay CBCP-NASSA/Caritas Philippines Chairman at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na sila ay nakikipag-ugnayan na sa Diyosesis ng Tandag upang maipahatid ang tulong sa mga naapektuhang residente.
Pagbabahagi pa ni Bishop Bagaforo na patuloy naman ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang organisasyon sa Diyosesis upang agarang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
“NASSA is on standby and ready to provide what assistance they would need. Our humanitarian department has reserved financial assistance in case they would need it. For now, we are on close updating the situations,” ayon kay Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, And Astronomical Services Administration (PAGASA), tuluyan nang humina ang Bagyong Auring at isa is ana lamang sama ng panahon.