2,495 total views
Umaapela ng suporta ang Caritas Philippines para sa mga programa nito bilang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Sa pamamagitan ng isang video message, nanawagan ng tulong si Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng Caritas Philippines para sa mga programa ng institusyon na layuning makatulong sa bawat mamamayang nangangailangan.
Tinukoy ng Obispo ang Alay Kapwa Program ng Simbahan na laging handang tumulong at tumugon sa mga pangangailangan ng bawat mamamayan na naapektuhan hindi lamang ng mga kalamidad kundi lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Inaanyayahan ko po kayo na samahan kami at makiisa po sa aming mga programa na makatulong sa ating maraming mga kababayang naghihirap. Sa pamamagitan ng ating Alay Kapwa Program, pagkain po ay ating naiaabot sa maraming nagugutom, sa panahon ng kalamidad gaya ng bagyo, lindol at iba pang paghihirap sa buhay ng ating mga kapatid ang Alay Kapwa Program ng ating Simbahan ay laging handang tumulong at tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan.”panawagan ni Bishop Bagaforo
Ipinaalala ng Obispo na bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ang pagbibigay ng pag-asa sa kapwa sa pamamagitan ng pakikiisa at pagtulong sa oras ng pangangailangan.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na ang pagtulong sa mga nangangailangan ay bahagi ng pananagutan sa kapwa at pagsisilbing daluyan ng habag, awa at pagmamahal ng Panginoon.
“Mahal kong mga kababayan kung tayo ay may pananampalataya, nagkakaisa at nagtutulungan lahat ay kaya natin. Bigyan po natin ng bagong pag-asa ang iba nating mga kapatid lalong lalo na ang mga naghihirap, ang mga biktima ng mga maraming mga kalamidad. Ngayong panahon ng pandemya, bukas palad po ang Alay Kapwa handang tumulong sa ating mga kapatid, kapwa ko pananagutan ko.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Kabilang sa naging pagtugon ng Caritas Philippines ngayong panahon ng pandemya ay ang paglalaan ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng 5-milyong piso sa mga Kindness Stations o community pantries ng mga Social Action Centers ng 50-diyosesis sa Luzon, Visayas at Mindanao na higit na naisakatuparan dahil sa pinagsama-samang donasyon ng bawat isa.