1,425 total views
Umaapela ang social action at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayang nasalanta ng pagbaha sa Misamis Occidental.
Sa mensahe ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng Caritas Philippines sa Veritas Patrol, inihayag ng Obispo na batay sa isinagawang Rapid Needs Assessment ng Caritas Philippines katuwang ang Social Action Center ng Diocese of Ozamis na nangangailangan ang mga nasa evacuation center ng tubig, hygiene kits at pagkain.
“Ang Caritas Philippines po ay nananawagan patungkol sa ating mga kapatid na nasalanta ng bagyo, landslides, at flashfloods sa Diocese of Ozamis, marami po ang nasa evacuation centers ngayon at kailangan po nila ang ating mga tulong lalong lalo na yung mga basic needs nila tubig, yung mga hygiene na kailangan nila sa mga evacuation centers.”panawagan ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, maaaring magpaabot ng tulong pinansyal sa Caritas Philippines at mga parokya sa Archdiocese of Ozamis ang mga nagnanais na makatulong.
Hinikayat naman ni Bishop Bagaforo ang mga nasa Mindanao na tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta ng baha.
Sinabi ng Obispo na bukod sa cash ay kinakailangan din ng evacuees ang pagkain, tubig, gamot, damit, gamit panluto, at mga gamit pantulog gaya na lamang ng mga kumot, unan at banig.
Ipinaalala ng Obispo na higit na napapanahon ngayong pasko ang pagbibigayan at pagtutulungan lalo na para sa mga mamamayang dumaranas ng pagdurusa sa ating bansa.
Una ng tiniyak ni Bishop Bagaforo ang pagtugon ng social action arm ng Simbahan sa kalagayan ng mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa Visayas at Mindanao.