17,544 total views
Umaasa ang social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na maging bukas sa dayalogo ang bagong liderato ng senad.
Batid ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairperson ng CBCP Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace na sa pamumuno ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri ay pinakinggan nito ang opinyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan hinggil sa usapin ng pagpapalit ng konstitusyon.
“Sana naman maging bukas ang puso at isipan ng bagong liderato sa pangunguna ni Senator Chiz Escudero na pakinggan ang hinaing ng ating mamamayan dito sa usapin ng Cha-Cha,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Kaugnay nito hinimok ng opisyal ang mamamayan lalo na sa Metro Manila na makiisa sa isasagawang ‘Peoples’ March and Prayer Against Charter Change’ sa May 22 sa alas tres hangang alas singko ng hapon sa harapan ng Senado sa Pasay City.
Nilinaw ni Bishop Bagaforo na mahalaga ang sama-samang pagkilos na tutulan ang napipintong pagpapalit ng konstitusyon sa pamamagitan ng pagbago ng economic provision ng 1987 Constitution.
Iginiit ng obispo na maganda ang kasalukuyang konstitusyon sa bansa dahil ito ay maka-Diyos, makatao, makabayan at may pagpapahalaga sa mga mahihirap subalit hindi maayos na naipatutupad sa lipunan.
“Do not touch our constitution at present. As much as possible we would like to protect ng ating present constitution sapagkat nakita natin pro God at walang dapat palitan doon,” ani Bishop Bagaforo.
Binigyang diin ni Bishop Bagaforo na nakababahala ang binabalak nba economic provision kung saan pahihintulutan ang mga dayuhang makapagbukas ng mga negosyo at magkaroon ng mga ari-arian sa bansa na hindi makatarungan at lubhang mapanganib para sa mga Pilipino.
Bukod pa rito ang pangambang palitan ang political system ng gobyerno na magpapalawig sa paninilbihan ng ilang pulitiko na nagsusulong lamang ng pansariling interes sa halip na itaguyod ang kapakanan ng taumbayan.
Inaasahan ang pakikibahagi ng humigit kumulang sa tatlong libong katao mula sa iba’t ibang mga parokya, catholic insitutions kabilang na ang mga paaralan sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Hinimok din ng mga obispo ang mga parokya na hindi makadadalo sa prayer rally sa senado na magsagawa ng kaparehong gawain sa mga parokya sa parehong oras.
Patuloy ang paninindigan ng CBCP laban sa charter change at iginiit na hindi napapanahong palitan ang kasalukuyang 1987 Constitution sa halip ay hinimok ang pamahalaan na gumawa ng mga polisyang makatutugon sa pangunahing suliranin na kinakaharap ng bansa kabilang na ang kahirapan, kagutuman, at kawalang sapat na oportunidad sa mga Pilipino lalo na ang mga magsasaka at manggagawa.