423 total views
Tiniyak ng Caritas Sorsogon ang patuloy na pagtulong sa mamamayan na higit na apektado ng pagliligalig ng bulkang Bulusan.
Ito ayon kay Father George Fajardo – Executive Director ng Social arm ng Diocese of Sorsogon.
Ipinalangin din ng Pari na totoo at hindi pamumulitika ang pagtulong ng mga llider ng kanilang bayan sa mga naapektuhan ng pagliligalig ng bulkan.
“Prayer ko sa mga naapektahan ng Bulkang Bulusan na Ibigay sa kanila ng Poong Maykapal ang likas na paguunawa sa likas yaman at mabigyan nila ito ng tama at aktibo na pagsasa-ayos para sa ikauunlad ng lahat,” ipinadalang mensahe at pananalangin ni Father Fajardo sa Radio Veritas.
Umaasa ang pari na walang mamamayan ang maiiwan o hindi makakatanggap ng tulong na magmumula sa lokal na pamahalaan.
“Yung pangalawang pagsabog di namin namalayan, kasi lakas ng buhos ng ulan, kaya nagkalahar lang sa mga ilog at sapa pero di naman na apektahan ang daloy ng mga ito, kahapon nagbuga naman, pero lahat usok lang wala namang ashfall,” pahayag ni Father Fajardo.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nanatili sa Alert level 01 ang bulkan matapos ang mga pag-lindol at pabubuga ng usok.
Iniulat naman ng Department of Agriculture na umabot sa Php3.12-million ang pinsalang idinulot ng pagliligalig ng Bulkang Bulusan sa sektor ng agrikultura sa mga bayan ng Irosin, Juban at Casiguran sa Sorsogon.