2,827 total views
Patuloy na hinikayat ni Caritas Manila executive director Fr. Anton CT Pascual ang mga Kapanalig at mananampalataya na makibahagi sa paglikom ng pondo para sa mga biktima ng Super Typhoon Rolly.
Ayon kay Fr. Pascual, isang biyaya sa bawat isa lalu na sa mga nakaligtas mula sa pananalasa ng malakas na bagyo lalu’t labis na pinsala ang idinulot ng kalamidad sa buhay at kabuhayan ng mga residente lalu na sa rehiyon ng Bikol at ilang mga lalawigan sa Luzon.
“Tayo ay nagsasagawa ng CARITAS OPLAN DAMAYAN TELETHON para makalikom ng pondo sa mga biktima ng Typhoon Rolly. Lalung-lalo na sa Kabikulan. Tayo ay ligtas sa kalakhang Maynila at ito ay isang biyaya ng Diyos, ngunit ito din ay isang responsibilidad na tayo ay tumulong sa mga dinaanan ng matinding bagyong Rolly,” ayon kay Fr. Pascual sa isinagawang telethon sa Radio Veritas.
Paliwanag pa ng pari na bilang mga kristiyano ay tungkulin din ng bawat isa na tumulong sa mga matinding nasalanta. “At nawa sa pamamagitan ng ating Telethon maipadama natin sa kanila ang ating pagmamalasakit at pakikiisa sa kanilang kalagayan,” bahagi pa ng panawagan ni Fr. Pascual.
Umaasa din ang pari na makakalikom ng pondo para sa mga biktima bilang pakikiisa sa kanilang pagdurusa gayundin ang pag-alalay sa kanilang pagbangon mula sa kalamidad.
“Ito pong ating gagawin ay dalawang klase relief muna, bigyan sila ng mga pagkain at mga hygiene kits. At itong isa ay rehabilitation, mabigyan ng tulong na ma-repair ang mga tahanan o kaya ay mabigyan ng kaunting puhunan,” dagdag pa ni Fr. Pascual.
Una na ring naglaan ng isang milyong pisong pondo ang Caritas Manila para sa limang mga diyosesis na higit na naapektuhan ng bagyong Rolly kabilang na sa Archdiocese of Caceres, mga diyosesis ng Daet, Legazpi, Virac, at Gumaca. Sa kasaluyan ay patuloy naman ang isinasagawang assessment ng simbahan katuwang ang Caritas Philippines upang alamin ang iba pang lugar na kinakailangang mabigyan ng kagyat na tulong.