372 total views
Nasawi ang isang Carmelite Sister mula sa Order of Discalced Carmelites sa Lipa, Batangas dahil sa coronavirus disease.
Kinilala ito bilang si Mother Cecilia de Castro, OCD, 65-taong gulang, ang mother prioress ng Lipa Carmel na kabilang sa 12 Carmelite sisters na nagpositibo sa COVID-19.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Sr. Lorna Malibiran, OCD, pitong madre ang dinala sa ospital dahil sa malalang epekto ng COVID-19 at nangangailangan ng atensyong medikal.
Sa bilang na ito, lima ang kasalukuyan pang nagpapagaling sa ospital, isa ang nasawi at ito’y si Mother Cecilia, habang ang isa naman ay nakabalik na sa monasteryo at doon kasalukuyang nagpapagaling kasama ang iba pang mga nagpositibo dahil ito ay mayroon na lamang mild symptoms ng COVID-19.
Nagpapasalamat naman si Sr. Mary Celine Gutierrez, 90 taong gulang – ang pinakamatandang Carmelite sister sa loob ng monasteryo – sa pagkilos ng Arkidiyosesis ng Lipa sa pangunguna ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera upang makapangalap ng suporta at matiyak na nababantayan ang kanilang sitwasyon sa loob ng monasteryo.
“Ako’y natutuwa sa mga tao sa labas at ang daming natawag dito na talaga hong concern sa amin. Pati ang aming [Arsobispo Garcera] ay concern na concern ho sa amin,” pahayag ni Sr. Gutierrez sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, naglabas ng Circular letter si Archbishop Garcera noong Agosto 28, 2021 na nananawagan ng panalangin para sa agarang paggaling at kaligtasan ng mga Carmelite sisters laban sa COVID-19.
“I am appealing to all priests, religious and lay faithful to include in your Masses, Holy Hours and recitation of the Rosary the immediate recovery of all the sick, in particular our dear Carmelite sisters,” bahagi ng liham sirkular ni Archbishop Garcera.
Ipinag-utos naman ng Arsobispo na pansamantala munang isara sa publiko ang Carmelite Monastery bilang pag-iingat at upang mabantayan nang wasto ang kalagayan at kondisyon ng mga apektadong madre.
Nananawagan din ng tulong at suporta si Archbishop Garcera para mapunan ang pangangailangan ng mga Carmelite sisters sapagkat sila ay kasalukuyang naka-isolate at hindi maaaring lumabas o magpapasok sa monasteryo.
Kailangan ng mga madre ang mga packed nutritious food, ngunit, dapat munang makipag-ugnayan ng mga nais na magpaabot ng pagkain upang maiwasang masira at masayang ito.
Nangangailangan din ang monasteryo ng mga medical paraphernalia tulad ng N95 facemasks, faceshields at personal protective equipments o PPEs, gayundin ang pinansyal na suporta para sa mga madre na nasa ospital at nangangailangan ng atensyong medikal.
Nagbabala naman si Archbishop Garcera hinggil sa mga mapagsamantalang grupo na ginagamit ang kalagayan ng mga Carmelite sister upang humingi ng tulong.
“Please also know that I have not authorized any groups to solicit funds on behalf of the Carmelite Sisters, in view of this situation. Be wary of groups taking advantage of this situation for their own profit,” babala ng Arsobispo.
Para sa mga nais na magpaabot ng kanilang tulong at donasyon, makipag-ugnayan lamang kay Sr. Lorna Malibiran, OCD sa numerong 0917-880-8278.