195 total views
Iginiit ng Kalikasan People’s Network for the Environment na mahalagang isama ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines panel ang suliranin ng kalikasan sa 4th round ng usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Clemente Bautista – National Coordinator ng grupo, malaki ang magiging saklaw ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reform (CASER) sa pangangalaga sa kalikasan.
Isa sa highlight na binanggit ni Bautista ang pagsasaayos ng mga nasira sa kapaligiran, kasama na ang rehabilitation ng mga nasirang bundok at karagatan upang maiwasan ang mga sakunang bunsod ng pagkasira ng kalikasan.
“Malaki yung saklaw nyan pero isang gusto naming i-highlight yung rehabilitation ng degraded environment natin sa Pilipinas, partikular yung mga kagubatan natin at katubigan, pangalawa yung pagbibigay hustisya dun sa mga biktima ng mga environmental crimes including killing pati na yung mga nasalata ng trahedya pati na yung mine tailing sa Disater yung mga Flashfloods dahil sa pagkaubos ng mga puno pagkasira ng mga kagubatan, yun yung ilan sa magandang i-higlight,”pahayag ni Bautista.
Samantala, iginiit din ni Bautista na bahagi ng kaguluhan partikular na sa Mindanao ay dahil sa hindi maayos na pangangasiwa sa likas na yaman ng bansa.
Aniya, dahil sa pagkamkam ng mayayamang kumpanya ng minahan sa lupain at kabundukan ay nawawalan ng tahanan ang mga katutubong tunay na nagmamay-ari ng mga lupain.
Kaugnay dito, nanawagan si Bautista sa dalawang panig na magkasundo na, alang-alang sa pangangalaga sa kalikasan, at sa mahihirap na unang naaapektuhan ng pagkasira nito.
Sa article 3 ng CASER nasasaad ang mahigpit na mining regulations at maayos na pagpapatupad ng mga batas na mangangalaga sa kalikasan.
Bukod dito, binigyang diin rin sa CASER ang paggamit sa renewable energy sources bilang pangunahing pinagmumulan ng kuryente sa halip na pag-ooperate ng mga coal fired Power Plants.
Sangayon dito, inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na tunay na malaking salik sa pagkapit na pangmatagalang kapayapaan ang kaayusan sa kapaligiran.
“Mahalagang ang kalikasan sa usapin ng kapayapaan kasi maraming gulo ang nangyayari hanggang ngayon dahil sa pagkasira ng kalikasan. Yung mga pagmimina ay maraming katutubo natin, magssaka, mangingisda ang nawawalan ng hanap buhay dahil sa pagmimina. Kaya kung gusto natin na magkaroon ng kapayapaan kailangan din natin na pangalagaan ang kalikasan at huwag nating papasukin ang mga business na nakasisira ng kalikasan at ang nakikinabang lang ay ang mga mayayaman o kaya mga dayuhan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Samantala, naniniwala rin si Bishop Pabillo, na ang unang hakbang ng Department of Environment and Natural Resources na pagsuspindi at pagpapasara sa mga minahan ay isang punto na maaaring pagkasunduan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF panels.