93,722 total views
Alam niyo kapanalig, ang pagkakasakit, lalo na pag malubha, ay isa sa mga pangunahing dahilan ng kahirapan ng marami nating mga kababayan.
Ayon sa opisyal na datos, ang mga pangunahing cause of death sa ating bansa ay ang sakit sa puso o ischemic heart disease, kanser, at mga cerebrovascular diseases. 19% ng mga total deaths sa ating bayan ay dahil sa ischemic heart disease habang mga 10% naman ay dahil sa kanser. Ang mga sakit na ito ay catastrophic – maraming komplikasyon, maraming gastos. Kadalasan pa, marami sa ating mga Filipino ay huli ng nada-diagnose sa mga sakit na ito, na lalo pang nagpapahirap sa mga pasyente at kaanak nito. Malala na ang sakit at mahirap ng gamutin.
Kapanalig, isa mga mabisang paraan upang maiwasan ang mga pangyayaring ito ay ang pag-ibabayo at pagpapabuti ng health-seeking behavior ng mga Filipino. Dahil sa hirap at takot sa gastos, marami sa atin ang hindi na nagpapadoktor o nagpapa check up ng regular. Kadalasan, nakakakita na lamang tayo ng mga health professionals kapag hindi na natin makaya ang sakit na nararamdaman, kaya’t sa ER lagi ang tuloy ng Pinoy.
Maliban sa gastos, ang ating sense of resilience ay nakakahadlang din para sa pagpapabuti ng ating health seeking behavior. Lagi nating sinasabi na kaya ko yan, o di kaya wala ito, o bata pa ako. Dahil sa maling paniniwala na ito, ang simpleng sakit, minsan lumalala pa.
Isa pang hadlang sa ating holistic wellness, kapanalig, ay ang kakulangan ng mga health services at health professionals sa ating bayan, lalo na sa mga remote areas. Tinatayang mga 80% nga ng ating mga cardiologists ay nasa Metro Manila dahil sa kakulangan ng mga pasilidad sa ating mga rehiyon. Dagdag pa rito, kapanalig, tinatayang mga 300 lamang ang mga oncologists o cancer doctors sa ating bansa, at karamihan sa kanila, nandito rin sa Metro Manila.
Kaya nga’t kapanalig, ang pagkakaroon ng catastrophic o malalang sakit sa ating bayan ay parang delubyo rin sa mga pamilya. Ubos na ang lakas, ubos din ang pera.
Kapanalig, upang malutas ang problemang ito, ibayong pagtutok ang kailangan, in terms of manpower resources, time, and budget. Kailangan mapalakas natin ang health system ng bayan upang makatutok ito sa pagbibigay serbisyo sa pinakamahirap nating kababayan, at sabay nito, mapag-buti ang wellness ng lipunan sa pamamagitan ng better health-seeking behavior. Kailangan natin mapataas at mapag-tapat o ma-match ang health supply at demand.
Mahirap ito gawin, kapanalig, pero kailangan. At kailangan, manguna ang pamahalaan dito. Nakataya dito ang kalusugan ng tao, na siyang pundasyon ng kalusugan ng bayan. Ang kalusugan ay karapatang pantao, at sabi nga sa Pacem in Terris, susog ng ating karapatan sa kalusugan ay ang ating karapatan na magkaroon ng seguridad sa panahon ng pagkakasakit.
Sumainyo ang Katotohanan.