171 total views
Inilunsad ng CEAP o Catholic Educational Association of the Philippines ang Philippine Catholic School Standard (PCSS) na magiging pamantayan ng nasa mahigit 1,500 pribadong Katolikong paaralan, kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Ayon kay CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education chairman San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, napakahalagang magkaisa ang bawat administrator ng mga Katolikong paaralan sa pagpapadama na kabahagi ang lahat sa pagpapa – unlad ng kamalayan ng mga kabataan.
Inihayag ni Bishop Mallari na makatutulong ang “Catholic school standard,” upang matukoy ang katayuan ng mga paaralan at magkaroon ng nagkakaisang pagkakakilanlan batay sa katangian ng Simbahang Katolika na banal, iisa, panlahat at apostolika.
“Napakahalaga na lahat ng mga administrators sa mga Catholic schools ay magkaisa para makipag – coordinate talaga sa mga in – charge sa Philippine Catholic School Standard. Kasi nag – uumpisa pa lang tayo na napakahalaga na yung bawat administrator sa bawat eskwelahan ay madama na sila ay kabahagi nito. Kasi mahalaga na makita na sa bawat eskwelahan yung walong Catholic identity na base rin ito sa characteristics ng Catholic Church na Holy, One and Universal, Apostolic,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Veritas Patrol.
Magugunita na sa katatapos lamang na ika – 75 anibersaryo at national convention ng CEAP na ginanap sa Waterfront Hotel, Cebu City ay naihalal bilang bagong pangulo ng CEAP si Ateneo de Davao president Rev. Fr. Joel Tabora.
Dumalo sa pagtitipon ang 3, 524-delegado mula sa mahigit 1, 500 Catholic schools sa Pilipinas.