168 total views
Paghubog ng ‘spiritual intelligence’ ng mga kabataan ang dapat na maging marka ng mga Catholic Schools.
Ito ang hamon ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga guro, opisyal at mga kinatawan ng mga Catholic Schools na dumalo sa Catholic Educational Association of the Philippines o CEAP – NCR Conference.
Ayon sa Obispo, sa kabila ng napakaraming uri ng katalinuhang maaaring mahubog sa mga kabataan ay mas dapat na tutukan ng Catholic schools ang paglinang sa ‘spiritual intelligence’ o kakayahan sa pagkakaroon ng mabuting pagpapasya sa pananaw ng isang Katoliko’t Kristyano.
Iginiit ni Bishop David na ang mga Catholic school ay hindi ordinaryong eskwelahan sapagkat bukod sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura ay layunin din nitong hubugin ang Christian values sa mga mag-aaral.
“Marami na ngayon mga other forms of intelligences, pero isa sa mga dapat nating i-develop na intelligence ay ‘spiritual intelligence’ ang tawag dito ‘discernment’ ito yung dapat the mark of a Catholic School, kasi syempre hindi naman tayo ordinaryong eskwelahan bilang eskwelahan parang hinuhubog natin sa mga Christian values ang ating mga estudyante at they have to learn from Jesus na matuto na how to deal with this world…” pahayag ni Bishop Virgilio David sa panayam sa Radyo Veritas.
Isinagawa ang 2-araw na annual CEAP-NCR Conference sa Siena College of Quezon City na mayroong temang “Communion in Mission for Catholic Education”.
Batay sa tala umabot sa 500 participants mula sa 8 diyosesis sa National Capital Regions na binubuo ng nasa 173 Catholic schools ang dumalo sa pagtitipon upang talakayin ang iba’t ibang salik na mas makapagpapalakas pa sa layunin ng Catholic schools na makapaghubog ng mga kabataan na hindi lamang mayroong sapat na talino at galing pang-akademiko kundi mayroong matatag na pananampalataya sa Panginoon.
Sinabi ni Bishop David na dapat na maging balanse ang paghubog sa kaalaman sapagkat hindi maaring puro talino lamang ang mayroon ang isang tao na maating humantong sa pagiging tuso o panglalamang sa kapwa.
“Hindi rin pwede na puro lamang tayo matalino baka naman maging mga tuso tayo at gamitin natin ang katalinuhan sa mali, hindi lahat ng matalino ay ginagamit ang talino para sa tama at doon pumapasok ang ‘spiritual intelligence’ …” Dagdag pa ni Bishop Pablo Virgilio David.
Ipinaliwanag rin ni Bishop David na hindi kapwa tao ang kalaban sa mundo sa halip ay masasamang espiritu na nagnanais na manira ng disposisyon ng bawat nilalang sa pamamagitan ng panggugulo ng isip at kalooban ng bawat isa.
Dahil dito iginiit ng Obispo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng spiritual intelligence ng bawat isa upang mapagtagumpayan ang pinagdadaanang spiritual warfare.
“Ang tunay na kalaban natin dito sa mundo ay hindi naman mga tao, ang mga kalaban natin ay mga masasamang espiritu, the warfares in this world is always spiritual so ang spiritual warfare nangyayari yan sa loob ng tao, sa isip ng tao, sa loob ng mga pamilya, sa lipunan at sa buong mundo kaya kailangan matalino tayo we have to be discerning alam natin kung saan ba tayo dinadala ng Holy Spirit at saan tayo dinadala ng evil spirit…” paliwanag ng Obispo
Itinatag ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) noong 1941 na layuning maging national association ng mga Catholic Educational Institutions sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan aabot sa 1,484 na member-schools ang CEAP mula sa may 17 rehiyon sa buong bansa.