567 total views
Nagpapasalamat ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa naging tugon ng Department of Education (DepEd) sa pagpapahintulot sa mga Private School na ipagpatuloy ang blended learning modality sa Nobyembre.
Ayon kay Jose Allan Arellano-CEAP Executive Director, ang panawagan ay kaugnay na rin sa kahilingan ng mga pribadong paaralan na kasapi sa Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na ipagpatuloy ang blended learning sa mga private schools.
Sinabi ni Arellano, bukod sa ginawang paghahanda ng mga paaralan sa blended learning modalities, marami pa ring mga magulang ang hindi pa handa na papasukin sa mga paaralan ang kanilang mga anak dulot pa rin ng pangamba sa novel coronavirus.
“The COCOPEA wrote to DepEd appealing to be allowed blended learning, there is a need for the private schools to do this as many of our parents requested for the same, the schools heavily invested in the blended learning modalities.” ayon sa mensaheng ipinadala ni Arellano sa Radio Veritas.
Batay sa DepEd Order No.44 na inaamyendahan ang DepEd Order No.34, pinapahintulutan ng kagawaran ang tatlong araw na pagdaraos ng face to face classes at dalawang araw na distance learning katulad ng modular at online classes sa mga pribadong paaralan.
‘Starting November 2, 2022, all public Schools shall have transitioned to 5-day in person classes, after the said date, no public school shall be allowed to implement purely distance learning or blended learning except for those that are expressly provided an exemption by the Secretary of Education,’ ayon sa inilabas na DepEd Order No.44 sa mga Public Schools.
Sa tala ng DepEd noong 2021 ay aabot sa higit 12,800 ang lahat ng private schools sa buong bansa habang aabot naman sa mahigit 6-libo ang miyembro ng CEAP.
Sa School Year 2022-2023, umabot sa 28-milyon ang bilang ng mga mag-aaral sa buong bansa.