420 total views
Binuksan sa lalawigan ng Cebu ang kauna-unahang ‘Catholic Faith-themed hotel’ bilang handog sa pagdiriwang ng bansa sa 500 Years of Christianity.
Ayon kay Duros Group at Layko Cebu Chairperson Fe Barino layunin ng Cebu Quincentennial Hotel na higit maisulong sa lalawigan ang faith tourism na makatutulong mapalago ang pananampalatayang kristiyano na tinanggap ng mga Pilipino limang sentenaryo ang nakalilipas.
Sinabi ni Barino na nais din ng pamunuan na makapagbigay ng abot-kayang matutuluyan sa mga dadalaw sa lalawigan lalo na ang magsasagawa ng pilgrimage o pagdalo sa mga pagtitipon.
“The concept of this hotel [Cebu Quincentennial Hotel] is really to give importance to the Catholic faith and to provide an affordable yet comfortable place to stay for our guests,” pahayag ni Barino sa panayam ng Radio Veritas.
Tampok sa hotel ang mga religious artifacts na sagisag ng kristiyanismo kabilang na ang mapa ng ruta mula Espanya hanngang makarating sa dalampasigan ng Cebu ang grupo ni Ferdinand Magellan kasama ang mga misyonerong Espanyol.
Ibinahagi ni Barino na ang proyekto ay inisyatibo ng Duros Group katuwang ang Archdiocese of Cebu sa pangunguna ni Msgr. Agustin Ancajas na gumawa ng konsepto at interior design ng hotel na akma sa kristiyanismo.
Naniniwala ang opisyal na naisakatuparan ang pagtayo sa establisimiyento sa tulong at gabay ng Panginoon bilang bahagi ng misyon na ipalaganap ang pananampalataya.
“I really believe that these things happen through Divine intervention. Ginabayan talaga ito ng Holy Spirit para maitayo ang hotel despite sa mga challenges like the pandemic,” ani Barino.
Matatagpuan rin sa hotel ang mga memorabilia at mga mahahalagang pagdiriwang sa 500 Years of Christianity; ang Jubilee Cross, at ang Cebuano edition ng Bibliya na may titulong ‘Bag-ong Kasabotan, San Pedro Calungsod Edisyon Bible’.
Itinayo ang Cebu Quincetennial Hotel malapit sa International Eucharistic Congress Pavilion sa Cebu City sa lupang pag-aari ng arkidiyosesis kung saan ayon kay Barino regalo rin ito ng Duros Group sa simbahan lalo na sa Archdiocese of Cebu.
“This is our gift to the church, to the archdiocese, because after 25 years we will turn over the hotel to the Archdiocese of Cebu,” saad ni Barino.
Sa mga magkaroon ng pilgrimage sa Cebu at manuluyan sa Cebu Quincentennial Hotel maaring makipag-uganayan sa kanilang official facebook page at website www.cebuquincentennialhotel.com o tumawag sa (032) 5204488.