896 total views
Pormal nang inilunsad ng Diyosesis ng Pasig ang Cause of Beatification and Canonization para kay Laureana “Ka Luring” Franco na kilala bilang katekistang inialay ang sarili sa paglilingkod sa Diyosesis at sa mga mahihirap.
Ito’y kasabay ng pag-alala sa ika-10 anibersaryo ng kamatayan ni Ka Luring at pagdiriwang din sa ika-500 anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
“According to the initial study of the life story, Christian virtues and apostolate of Ka Luring conducted by the Ad hoc Committee, there have been numerous reports of favors following her intercessory prayers and based from the initial documents gathered, she has lived a heroically virtuous life worthy of imitation, therefore, I, the Most. Rev. Mylo Hubert C. Vergara, Bishop of Pasig…formally launched the cause of the Beatification and Canonization of our Sister Laureana “Ka Luring” Franco, katekista at layko. May God who has begun the good work, bring it to fulfillment,” anunsyo ni Bishop Vergara.
Oktubre 17, 2020 nang i-anunsyo ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang pagbubukas ng Diocesan Process of Inquiry for the cause of Beatification para kay Ka Luring.
Si Ka Luring ay isinilang noong Hulyo 4, 1936 sa Hagunoy, Taguig, mula sa isang mahirap na pamilya.
Siya ay naging miyembro ng Legion of Mary at mas lalong pinag-alab ang kanyang debosyon para sa Mahal na Birheng Maria.
Samantala, Abril, 1, 1990, sa pamamagitan ng rekomendasyon ng noo’y dating Arsobispo ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin, natanggap ni Ka Luring ang Pro Ecclesia et Pontifice mula sa noo’y Santo Papa na si Saint John Paul II bilang pagkilala sa kanyang huwarang paglilingkod bilang isang laykong katekista.
Taong 2002 naman nang kanya ring matanggap ang Mother Teresa Award, dahil sa kanyang paglilingkod para sa mga mahihirap at higit na nangangailangan.
Namayapa si Ka Luring noong Oktubre 17, 2011 dahil sa sakit na cancer.
Sa kasalukuyan, tatlong Obispo sa bansa ang nasa proseso ng ‘beatification’ o isang hakbang sa pagiging banal, ito ay sina Bishop Alfredo Obviar, Archbishop Teofilo Camomot at Bishop Alfredo Versoza.
Batay sa kasaysayan ng Simbahang Katolika, mahigit sa 10,000 na ang mga idineklarang Santo kabilang na dito ang mga Filipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod na kilalang nagtatanggol sa pananampalatayang Katoliko.