2,384 total views
Suportado ng Kabalikat sa Kaunlaran ng Baseco (KKB) ang panawagan ng mga katutubong Dumagat-Remontado ng Quezon at Rizal upang tutulan ang Kaliwa Dam project ng pamahalaan.
Kaugnay ito sa Alay-lakad laban sa Kaliwa Dam na inorganisa ng mga katutubo katuwang ang ilang sektor at simbahan upang manawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Jeorgie Tenolete, pangulo ng KKB na ang panawagan ng mga katutubo ay hindi lamang para sa pansariling kapakanan kundi maging sa mga maralitang tagalunsod na posibleng maapektuhan kapag naisakatuparan ang Kaliwa Dam.
Sinabi ni Tenolete na ang Sierra Madre na higit na mapipinsala ng malaking proyekto ay tahanan ng mga katutubo at nagsisilbing pananggalang lalo na sa panahon ng malalakas na kalamidad.
“Sumusuporta kami dahil naniniwala kami na malaki ang epekto na kapag naapektuhan ang Sierra Madre ay may posibilidad na ang mga taga-Maynila ay magkaroon ng samu’t saring mga trahedya na aasahan namin. Dahil ang Sierra Madre ay isa sa sandalan ng Maynila upang hindi kami maapektuhan ng malalakas na bagyo,” pahayag ni Tenolete sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ng pangulo ng KKB na malaki ang maitutulong ng desisyon ni Pangulong Marcos na ihinto ang Kaliwa Dam project para sa pagpapanatili ng Sierra Madre at kaligtasan ng mga pamayanan sa kabundukan, maging sa mga karatig na lugar tulad ng Metro Manila.
Iginiit naman ni Tenolete na ang P12.2-bilyong halaga ng pondong nakalaan para sa proyekto ay karagdagang pasanin muli sa taumbayan dahil ito ay uutangin ng pamahalaan sa China.
Mungkahi ng grupo kay Pangulong Marcos na pagtuunan ang pagsusuri sa mga kasalukuyang dam sa bansa, at kumpunuhin sakaling may sira upang mas maging kapaki-pakinabang sa marami.
“Dahil marami naman pong mga alternatibo na pwedeng tingnan kaysa naman magpanibagong utang, magpanibagong demolisyon sa mamamayan, at ‘yung epekto nito hindi lang sa parte ng Sierra Madre, Quezon Province, Rizal, papunta ng Laguna at Manila, ‘yan ang mga maaapektuhan nitong dam na ito,” saad ni Tenolete.
Naglakad ang mga katutubo simula noong Pebrero 15 hanggang 23 mula General Nakar, Quezon hanggang Malacañang upang manawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Nauna nang nanindigan si Fr. Pete Montallana, OFM, coordinator ng Indigenous Peoples` Apostolate ng Diocese of Infanta laban sa “dambuhalang” proyekto na sinasabing makakatulong sa krisis sa tubig sa Kalakhang Maynila ngunit, higit pang pinsala ang idudulot sa kapaligiran at mahihirap na pamayanan.