1,516 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Public Affairs ang mga Pilipino na magbuklod sa ikauunlad ng Pilipinas.
Ayon kay Imus Bishop Reynaldo Evangelista, chairman ng komisyon, ang pagkakaisa ng mamamayan ang susi upang matamo ng lipunan ang kapayapaan at pagyabong.
“Ako po ay nanawagan sa lahat na tulungan natin ang ating lipunan, ang ating pamahalaan na maiayos ang kapayapaan, magandang takbo ng lipunan sapagkat tayo ay pare-parehong citizen ng ating bansa kaya’t tayo dapat ang magmalasakit sa ikabubuti ng ating bayan, ” pahayag ni Bishop Evangelista sa Radio Veritas.
Ito ang pahayag ng opisyal ng public affairs ministry ng simbahan kaugnay sa pagdalo ni Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa pagpupulong ng CBCP nitong January 29.
Sinabi ni Bishop Evangelista na maganda ang panukala ni Abalos na pagtutulungan ng pamahalaan at simbahan ang mga programang magpapaunlad sa pamayanan na may paggalang sa dignidad at karapatan ng bawat isa.
“Kaya siya [Sec. Abalos] lumapit sa CBCP kasi kita niya na napakalaki ng maging contribution ng simbahan, spiritual leaders ng bansa para sa ganoong direksyon na inaasam, na tulungan ang gobyerno para masugpo ang droga at maiayos ang lipunan natin,” ani Bishop Evangelista.
Sa panayam ni Abalos sa mga obispo hiniling nitong tulungan ang pamahalaan sa programang isinusulong ng DILG ang ‘Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan o BIDA’ para sa mas maayos na pagpapatupad sa tulong ng simbahang katolika.
Tiniyak ni Bishop Evangelista sa pamahalaan ang kahandaan ng simbahan sa pagsuporta sa mga programang makatutulong sa mga Pilipino.
Matatandaang inilunsad ng simbahan ang iba’t ibang drug rehabilitation program noong pasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang giyera kontra droga lalo na ang Oplan Tokhang.
Ilan sa mga ito ang SANLAKBAY ng Archdiocese of Manila, SALUBONG ng Diocese of Kalookan, Surrender to God o SUGOD ng Duros Group sa Cebu katuwang ang Archdiocese of Cebu at iba pang mga programa para sa mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Sa datos ng Philippine National Police nasa anim na libong indibidwal ang nasawi sa war on drugs ng nagdaang administrasyon mas mababa kumpara sa datos ng iba’t ibang human rights group na umabot sa mahigit 30-libong indibidwal.
Nanindigan ang simbahang katolika na mahalagang igalang at bigyang dignidad ang buhay ng bawat mamamayan at bigyang pagkakataong maghilom at magpanibago sa anumang pagkalulong at pagkakasala sa batas.