1,490 total views
Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) ang mga guro sa paggunita sa National Teachers Month.
Ayon sa Vice-chairman ng komisyon na si San Fernando La Union Bishop Daniel Presto, bukod sa serbisyo ng pagtuturo ay katangi-tangi ang paghuhubog ng mga guro sa mga estudyante upang maging maayos at huwarang mamamayan.
“Kilalanin ang natatanging ambag ng mga guro sa paghuhubog sa mga bata at kabataan sa pagkakaroon ng puso at isip n amay pagmamahal s Diyos, bayan, kapwa, at kalikasan, nawa sa pagdiriwang na ito ay hndi lang mabigyang pasasalamat ang ating mga guro kundi makahikayat dn ng maraming mga kabataang maging guro,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Hinikayat naman ng Obispo ang mga kabataan at matatanda na pasalamatan ang kanilang mga dating guro na ngayon ay senior citizens at nakakaranas na ng ibat-ibang uri ng sakit sa kanilang pagtanda.
Kasabay ito ng panghihimok sa pag-aalay ng panalangin para sa lahat ng guro sa buong mundo na nag-aalay ng oras at buhay upang mahubog ang mga kabataan.
“Inaanyayahan ko ang mga learners na magpahayag ng appreciation sa ating mga guro s iba’t ibang pamamaraan, isama dn natin sa ating dasal ang mga gurong may sakit, at mga retired na teachers,” ayon pa sa mensahe ni Bishop Presto.
Ngayong taon, itinalaga ng Department of Education ang temang “Together4Teachers” bilang paggunita sa National Teachers Month at pagdiriwang din ng World Teachers Day sa October 05.