669 total views
Ipinaalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCE) sa bawat estudyante, guro at iba pang kawani ng mga paaralan na manatiling maingat mula sa COVID-19.
Ito ang panawagan ng CBCP-ECCE sa pagpapatupad ng Department of Education (DEPED) sa department order No.34 na ipinag-uutos sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa na magdaos ng 100% face-to-face classes.
Ayon kay San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto – vice-chairman ng CBCP-ECCE na kailangan ang pagtalima ng bawat isa na kabilang sa sektor ng edukasyon sa mga health protocol upang maiwasang mahawa ng virus.
“Para sa akin, kahit na niluwagan na ang practice ng pagsusuot ng face mask lalo’t higit ng mga learners sa schools ay nasa desisyon lang din ng mga parents kung patuloy pa din ang pag observe ng ilang health protocols lalo na at nandiyan padin ang panganib ng COVID-19,”pahayag ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Bukod sa pagsusuot ng face masks, paalala din ng Obispo ang paggamit ng mga disinfectant katulad ng alcohol at hand sanitizers upang makaiwas sa anumang sakit.
“Walang mawawala kung patuloy nating gagawin ang pagsusuot ng face mask at pagpapahid ng alcohol, iba na ang nag-iingat,” ayon pa sa mensahe ni Bishop Presto.
Sa pagpapatupad ng kautusan ay pinahintulutan pa rin ng DepEd ang pag-iral ng blended learning sa mga piling pampublikong paaralan na wala pang kakayahan magdaos ng 100% face-to-face classes sa buong bansa.