1,348 total views
Hinamon ng Health Care Commission ng simbahan ang pamahalaan na paigtingin at pagandahin ang serbisyo pangkalusugan ng bansa.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, MI, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care, dapat paglaanan ng malaking pondo sa pagpapabuti sa sektor ng kalusugan ng Pilipinas lalo na sa mga mahihirap.
Ito ang hamon ng kumisyon sa usapin ng pagsasapribado ng mga ospital na bagamat mas mapapaganda ang serbisyo at mga pasilidad ay kaakibat naman ang pagtaas ng presyo sa mga serbisyo na pagsasantabi sa mga mahihirap.
“Kaya itong privitization na ‘to kahit na dati pa, ang simbahan, ang advocacy ay mas pag-igtingin ng ating gobyerno ‘yung ating mga public health services. I-improve n’ya ‘to, gawin itong mas accessible at mas available lalong-lalo na sa mahihirap,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Panawagan din ni Fr. Cancino sa pamahalaan na ibilang sa layuning pagpapabuti sa healthcare sector ng bansa ang pagpapagaling sa mga pasyente sa halip na kita.
Nilinaw naman ng pari na kinikilala at pinapahalagahan ng simbahan ang pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang serbisyo ng kalusugan sa bansa ngunit iginiit na kaya pa itong palawigin at pagbutihin para sa mga mahihirap.
“Kung titingnan natin, meron pang pwedeng gawin. At itong privitization ng ating mga hospitals, kailangang dapat hindi iilan lang ang mga nag-uusap dito. Dapat i-consult ang lipunan, mga komunidad, mga may karamdaman, kasi sila ay hindi lang beneficiary pero kaakibat sila doon sa buong health care system natin,” saad ni Fr. Cancino.
Taong 2019 nang lagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging batas ang Universal Health Care Law na inaasahang magbubunga ng malawakang pagbabago sa public health sector ng bansa.
Suportado ng simbahan ang bawat layunin at adhikain ng pamahalaan lalo na sa pagpapabuti sa sektor ng kalusugan ng bansa para sa kapakanan ng nakararami lalo’t higit ang mga nasa mahihirap na sektor ng lipunan.