1,567 total views
Nakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care sa paggunita sa World AIDS Day.
Ayon kay CBCP-ECHC vice chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio na ang usapin ng human immunodeficiency virus/acquired immunodeficiency syndrome (HIV/AIDS) ay malaking suliranin sa komisyon dahil sa kakulangan ng kaalaman ng publiko sa sakit.
Sinabi ni Bishop Florencio na sinisikap ng komisyon na makapagbahagi ng iba’t ibang impormasyon hinggil sa HIV/AIDS upang lubos na matulungan ang mga taong mayroon nito.
“Malaking problema namin ito dahil sa kakulangan ng information na ipinapalaganap namin na ‘yung mayroong sakit na AIDS ay dapat humingi na rin ng proper intervention. Kung titingnan talaga natin na para tayo po ay mapanatag sa mga bagay na ito, dapat makinig at makipag-cooperate tayo.” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag naman ni Bishop Florencio na ang HIV/AIDS bagamat maituturing na malalang karamdaman ay hindi nangangahulugan na wala nang pag-asa o katapusan na ng buhay.
Iginiit ng Obispo na maaari itong malunasan kapag binigyan ng sapat na atensyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa eksperto at pagsisikap na mapangalagaan nang maayos ang kalusugan.
Tiniyak naman ni Bishop Florencio na ang mga mayroong HIV/AIDS ay hindi isasantabi ng simbahan, sa halip ay kasamang aakayin at kakalingain tungo sa isang simbahang sinodal.
“Be assured that even if you are suffering from these HIV/AIDS o iba pang nakakatakot na sakit, hindi po ibig sabihin na isasantabi kayo. Kasama po kayo dito sa simbahan na ito, inaalagaan kayo at ipinagdarasal kayo dahil kasama kayo sa paglalakbay ng synodal church.” saad ni Bishop Florencio.
Tema ng World AIDS Day ngayong taon ang “Equalize”, at karaniwang ginugunita tuwing unang araw ng Disyembre upang ipalaganap ang kamalayan ng publiko hinggil sa sakit na AIDS, at maiwasan ang diskriminasyon sa mga taong mayroon nito.
Batay sa September 2022 report ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines, naitala ang 1,347 kumpirmadong kaso ng HIV sa bansa.
Sa bilang, 96-porsyento ng nagpositibo sa sakit ay mga lalaki habang ang nalalabing bilang naman ay mga babae, na karaniwang nasa pagitan ng dalawa hanggang 71 taong gulang.