381 total views
Pinaalalahanan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang publiko na panatilihin ang kalinisan upang makaiwas sa mga lumalaganap na sakit.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, MI, executive secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Health Care, mahalaga ang pagiging malinis lalo na ngayong tag-ulan upang mapanatili ang kaligtasan mula sa mga malalang karamdaman tulad ng dengue at leptospirosis.
“Tayo po ay magcontribute. Panatilihin nating malinis ang ating kapaligiran. Maglinis po tayo. Tayo ngayon ay nasa Season of Creation kaya tamang-tama, kung mayroon tayong malusog na planeta, may malusog tayong namamahay dito – ang mga tao,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ang dengue ay nakukuha mula sa infected na lamok o aedes aegypti na nangingitlog sa mga lugar na mayroong nakaimbak na tubig, at karaniwang tinatamaan ay mga bata at sanggol.
Habang ang leptospirosis naman ay sakit na naipapasa mula sa mga kontaminadong tubig tulad ng baha na mayroong ihi ng daga, at lubhang mapanganib sa mga taong mayroong sugat sa bahagi ng binti hanggang paa.
Mayroong pagkakatulad sa mga karaniwang sintomas ang dengue at leptospirosis tulad ng pagkakaroon ng lagnat na may kasamang pananakit ng ulo at kalamnan, pagsusuka, at skin rashes.
Hinikayat naman ni Fr. Cancino ang publiko na huwag balewalain sakaling magkaroon ng anuman sa mga nabanggit na sintomas at sa halip ay agad na magpakonsulta sa doktor upang malapatan ng lunas.
“Mayroon tayong mga facilities, ang ating mga healthcare center at mga ospital na pwede nating lapitan at magpa-check-up. Huwag nating babalewalain dahil ang early diagnosis ng isang karamdaman ay pagtulong upang masugpo ito,” ayon sa opisyal ng CBCP.
Batay sa tala ng Department of Health, umabot na sa humigit-kumulang 119,000 ang kaso ng dengue sa bansa mula Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon kung saan nasa 400 na ang naitalang nasawi.
Nakapagtala naman ang leptospirosis ng halos 1,500 kaso mula Enero hanggang Agosto 2022 na umabot na sa 203-katao ang mga nasawi.