248 total views
Dalangin ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kaligtasan ng bawat isa laban sa iba’t ibang uri ng karamdaman.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, makabubuti pa rin ang wastong pag-iingat at pangangalaga sa katawan upang maiwasan ang pagkakaroon nang malalang karamdaman.
Kaugnay ito sa anunsyo ng Department of Health matapos maitala ang kauna-unahang kaso ng Monkeypox virus sa Pilipinas na nagmula sa isang 31-taong gulang na pasyenteng dumating sa bansa noong Hulyo 19 at nagpositibo sa virus nitong Hulyo 28.
“Alam natin na ang mga ganitong uri ng virus ay laging nand’yan sa ating paligid, hindi po natin masasabi na wala ‘yan, hindi totoo ‘yan. The fact that it is scientifically proven na meron, all that we can do is always make ourselves [aware] that we need to prevent it because alam natin that an ounce of prevention is better than a pound of cure,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Karaniwang sintomas ng monkeypox virus ay ang lagnat, panghihina ng katawan, pagkahilo, namamagang kulani, at mga rashes sa mukha, dibdib, paa, kamay, at maging sa maselang bahagi ng katawan.
Paalala naman ni Bishop Florencio na kapag nagkaroon ng anumang sintomas ng monkeypox, mahalaga ang pagiging kalmado at agad na magpakonsulta sa doktor.
“Let us not put this as something as so alarming na hindi tayo makakakilos. This is undercontrol. Mayroon d’yang banta pero we are still in control,” ayon sa Obispo.
Batay sa huling tala ng United States federal agency na Centers for Disease Control and Prevention, nasa higit 23,000 na ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng monkeypox sa buong mundo.