457 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity sa layunin at prinsipyo ng election campaign na One Godly Vote bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa bansa.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na siyang chairman ng kumisyon nag-iisa lamang ang boto ng bawat mamamayan na maituturing na kontribusyon para sa kinabukasan ng bayan.
Ipinaliwanag ng Obispo na dapat maging maingat at mapanuri ang bawat botante sa pagpili ng mga kandidato sa pagsasaalang-alang ng ikabubuti ng bayan na ninanais ng Diyos para sa halip na pansariling kapakinabangan .
“Ang isang principle One Godly Vote, isa lang naman talaga ang hawak nating boto –ang boto natin kaya yung boto natin ay dapat maging talagang conscientious kasi isa lang yan at yan yung kontribusyon natin sa bayan. So make everyone aware na ang boto nila ay mahalaga at dapat ang boto natin ay Godly Vote kaya i-consider din natin ang Diyos sa boto natin, hindi lang natin tinitingnan ang ating relasyon sa politiko, ang kanilang ginawa sa atin, ang kanilang mga pangako dapat titingnan din natin sila kung ano yung pananaw ng Diyos paano bobotohin ang mga tao so One Godly Vote.” pahayag ni Bishop Pabillo.
Partikular na tinukoy ni Bishop Pabillo ang Catholic Social Teachings o ang panlipunang katuruan ng Simbahan upang magsilbing gabay para sa pagkakaroon ng isang tunay at ganap na Godly vote ng bawat botante sa nakatakdang halalan.
Pagbabahagi ng Obispo, nasasaad sa Catholic Social Teachings ng Simbahan ang ilan sa mahahalagang pamantayan ng Panginoon na maaring maging batayan ng mga botante sa pagpili ng mga karapat-dapat na opisyal na bayan.
Ayon kay Bishop Pabillo, kabilang sa mga pamantayang ito ay ang posisyon at paninindigan ng mga kandidato kaugnay sa mga mahahalagang usaping panlipunan tulad ng human rights, pangangalaga sa kalikasan at dignity of life ng bawat mamamayan.
“Para maging Godly ang vote natin mayroon tayong mga principles na sinusunod, yung social teachings mga katuruan na panlipunan na matagal ng ibinibigay ng Simbahan yun. Paano yun, mayroon tayong mga criteria tulad ng solidarity, tulad ng subsidiary, tulad ng human rights, tulad ng environment may mga principles po tayong sinusunod, tulad ng dignity of life dapat nakikita natin kung ang mga kandidato ba ay sumusunod sa ganitong prinsipyo.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Unang nabuo ang konsepto ng One Godly Vote noong taong 2019 na naglalayong gabayan ang bawat botante para sa naganap na Midterm Elections sa bansa kung saan higit pang pinaigting ang prinsipyo at konsepto nito upang maisulong ang maka-Diyos na pagboto ng bawat mamamayan para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections.