560 total views
Ikinadismaya ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang kakulangan ng pagtalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga hakbang na tulungan ang Overseas Filipino Workers (OFW) na manatili at magtrabaho sa Pilipinas.
Ayon kay Romblon Bishop Narcisso Abellana, chairman ng CBCP-ECMI, ipinakita sa unang State of the Nation Address (SONA) ng Punong Ehekutibo na pinapahalagahan lamang ng pamahalaan ang kikitain sa remittances o salaping ipinapadala ng mga O-F-W.
Ipinaliwanag ni Bishop Abellana na bagamat kinikilala ang pagpapalawak ng mga trabaho sa mga OFW sa ibang bansa ay mas nararapat tiyakin ng pamahalaan na mayroong trabaho at sapat na kita sa bansa ang mga Pilipino para hindi na maghanap ng trabaho sa ibayong dagat.
“There’s no plan to bring our OFW back to the Philippines so kailangan pa silang manatiling mag-work, separate parin sila sa kanilang pamilya, maraming magagandang balak na kailangan naman na matutustusan so siguro gusto niya manatili yung mga OFW sa abroad,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa kay Bishop Abellana.
Ito rin ang naging mensahe ni Father Roger Manalo Executive Secretary ng CBCP-ECMI sa SONA ng Pangulo.
Binigyan diin ng Pari na dapat tinutukan ng pamahalaan ang ‘Reintigration Program’ na magbibigay kabuhayan sa mga migrant worker na bumabalik sa Pilipinas matapos mawalan ng trabaho sa ibang bansa.
“Ang mga OFWs ay bumabalik, so ano yung ginagawa po ng government? kasi yan yung kulang natin pagdating po dito, underemployed nanaman po o kaya ay unemployed yun po yung what can the government do about the situation of the OFW when they return to the Philippines rather than just marketing yung OFWs po,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Manalo.
Ikinadismaya rin ng grupong MIGRANTE – HONG KONG ang kakulangan ng Pangulo na tugunan ang lokal na sektor ng mga manggagawa.
Ayon kay Dolores Balladares-Pelaez – Chairperson ng MIGRANTE – HONG KONG, ito ay dahil narin walang ibang layunin ang sektor ng mga OFW kungdi ang makauwi sa bansa at palagiang makasama ang kanilang mga pamilya.
Giit pa ni Pelaez, bagamat mas malaki ang kinikita ng mga OFW sa ibang bansa kumpara sa suweldo sa Pilipinas ay nananatiling mapanganib para sa sektor ang mga magtrabaho sa banyagang bansa.
Sa unang SONA ng Pangulo ay kaniyang natalakay ang paglulunsad ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino na makapag-trabaho sa ibang bansa.