250 total views
Magbubukas ng Chaplaincy ang CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa Gitnang Silangan partikular na sa Amman Jordan ngayong taon.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, ito ang resulta ng pakikipagpulong niya kay Bishop Paul Hinder, ang Vicar Apostolic sa Apostolic Vicariate of Southern Arabia noong nakaraang taon kaugnay na rin sa panawagan ng maraming Filipino na dagdagan ang mga paring Filipino doon.
Dahil dito, nanawagan ang obispo sa mga paring nais mag-apostolate at magkaroon ng Ministry sa Amman Jordan na handang maglingkod sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na dumadagsa sa mga Simbahan doon.
Ito’y bagama’t may mga pari na sila na ipadadala doon para tulungan at gabayan ang mga OFW sa kanilang mga gawaing espiritwal, sa kanilang mga trabaho at iba pang problemang kinakaharap.
Umaasa si Bishop Santos na maitatayo ang bagong Chaplaincy bago ang Simbang Gabi ngayong taon.
“Magbubukas din tayo sa taong ito ng chaplaincy sa Amman Jordan, may prospective na tayong mga pari na ipapadala, nais namin bago ang Simbang Gabi, may pari na para tamang-tama maranasan nila ang Simbang gabi.Maraming Filipino at lagi tayo wini-welcome, at welcome kami at kung sino ang pari na gustong mag ministry mag apostolate sa ating mga OFWs, kung nasaan ang Filipino dapat samahan ng mga paring Filipino, tulungan sila sa kanilang pangangailangan sa kanilang mga gawaing pang spiritual at pagtrabatrabaho,” pahayag ni Bishop Santos sa programang Barangay Simbayanan ng Radyo Veritas.
Kamakailan, dumanas muli ng kalbaryo ang mga OFW sa Gitnang Silangan matapos magsara ang apat na malalaking kumpanya doon ang Saudi Oger, Saudi bin Ladin Group, Mohammed Al Mojil, at Al Barghash na hindi man lamang sila pinasahudan ng hanggang 8 buwan.
Nagsara ang mga kumpanya dahil sa pagbaba ng presyo ng langis habang ang iba ay may kaakibat na katiwalian ang pagbagsak ng kanilang negosyo.
Una ng inihayag ng isang Dr. Roel Anicas, isang Academic Manager at Editor sa Kingdom of Saudi Arabia na may siyam na kumpanya ang nagsara at pinagbawalang kumuha at mag-employ ng mga manggagawa kung saan nasa 31,000 OFWs ang hindi sinahuran sa loob ng anim hanggang walong buwan dahil sa pagka-ban ng mga kompanya.