1,222 total views
Inihayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) ang tema ng nakatakdang paggunita ng Prison Awareness Sunday sa susunod na buwan ng Oktubre, 2023.
Napiling tema ng 36th Prison Awareness Sunday ang “The Correctional Community: Journeying Together in Mutual Support on a Mission of Love” na layuning paigtingin ang pagmimisyon para sa kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo.
Ayon sa prison ministry ng Simbahang Katolika, mahalagang patuloy na magkaisa ang lahat upang maging daluyan ng habag, awa at pagmamahal ng Panginoon maging sa mga bilanggo na patuloy na nangangailangan ng suporta at pag-agapay upang makapagbagong buhay.
Nakatakda ang 36th Prison Awareness Sunday sa ika-29 ng Oktubre, 2023.
Ang taon-taong paggunita ng Prison Awareness Sunday ay naglalayong pukawin ang damdamin ng mga mamamayan na bigyang pansin ang kalagayan ng mga bilanggo sa buong bansa.
“In observance of the 36th Prison Awareness Sunday on October 29, 2023, the CBCP-ECPPC has chosen the theme “The Correctional Community: Journeying Together in Mutual Support on a Mission of Love.”, which is in keeping with the Catholic church’s mission to journey with our incarcerated brethren and the other pillars of justice and do its best to address their most urgent needs.” Ang bahagi ng anunsyo ng CBCP-ECPPC.
Taong 1987 itinakda ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang huling Linggo sa buwan ng Oktubre bilang Prison Awareness Sunday o araw upang alalahanin at bigyang pansin ang kapakanan at kalagayan ng mga bilanggo sa bansa.
Kaugnay nito patuloy ang panawagan ng prison ministry ng CBCP para sa karagdagang mga Volunteers in Prison Service upang makatuwang ng Simbahan sa paglilingkod sa mga bilanggo sa buong bansa.
Sa kasalukuyan mayroong 86 na unit of volunteers ang Simbahan mula sa iba’t ibang diyosesis na mayroong 20 hanggang 100 prison volunteers na nakatalaga sa bawat bilanguan.