790 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) ng karagdagang volunteers in prison service.
Ito ay upang makatuwang ng CBCP-ECPPC sa paglilingkod sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo.
Bilang paghahanda sa 35th Prison Awareness Week ngayong taon, nanawagan ang komisyon sa mga nagnanais makibahagi sa misyon ng Simbahan na patuloy na maipadama sa mga bilanggo ang habag, awa at pagmamahal ng Panginoon.
Tema ng Prison Awareness Week ngayong taon ay “Towards Listening, Healing, and Loving Correctional Community’.
Hinimok ng CBCP-ECPPC ang mamamayan na maging Volunteer In Prison Service na nagsusulong ng katarungan, paghilom at pagbabalik dignidad sa mga taong nagkasala sa batas.
“Be a Volunteer In Prison Service (VIPS) and work for Justice that Heals and Restore.” paanyaya ng CBCP-ECPPC
Ipinaliwanag ni Legazpi Bishop Joel Baylon, chairman ng CBCP-ECPPC na ang misyon at tungkuling ginagampanan ng prison ministry ng Simbahan ay isang kongkretong pagpapamalas ng ‘synodality act’ para sa mga bilanggo na naisasantabi sa lipunan.
Unang inamin ni Bishop Baylon na hamon sa komisyon na makumbinsi ang mga Obispo sa iba’t-ibang diyosesis na magtatag ng kanilang prison ministry para sa kapakanan ng mga bilanggo.
Nakatakda ang 35th Prison Awareness Week sa ika-24 hanggang ika-30 ng Oktubre, 2022 na naglalayong higit na mapaigting ng Simbahan ang pakikinig sa mga hinaing ng mga bilanggo o PDLs (Persons Deprived of Liberty).
Taong 1975 ng itinatag ang CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care upang magsilbing daluyan ng biyaya at habag ng Panginoon para sa mga bilanggo.
Sa kasalukuyan mayroong 86 na unit of volunteers ang Simbahan mula sa iba’t ibang diyosesis na mayroong 20 hanggang 100 prison volunteers na nakatalaga sa bawat bilanguan.